Magnanakaw tiklo dahil sa tahol ng aso

October 13, 2018

KAHOL ng alagang aso ang naging susi upang mabuko ang ginagawang pagnanakaw ng isang hinihinalang drug addict sa loob ng isang compound kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Mahimbing ng natutulog ang pamilya Gaw nang magising si Belen, 58, sa kahol ng kanyang alagang aso dakong 11:40 ng gabi  subalit sa halip na lumabas ng silid ay sinilip niya sa monitor ng nakakabit nilang close circuit television (CCTV) kung bakit kumakahol ang kanyang alaga.

Dito niya nakita ang isang lalaki habang kinukulimbat sa loob ng kanilang compound sa 390 De Castro Compound, Sta Quiteria, Bgy. 162 ang mga gamit ng kanyang asawang fire volunteer at inilalagay sa dalang sako.

Mabilis na tumawag sa kanilang barangay ang biktima at bago pa man makalabas ng compound ang suspek na nakilalang si Robert Lingad, 21, ng Block 4 Libis, Bgy. 160 Sta Quiteria, nasakote na siya ng mga nagrespondeng opisyal ng barangay at nabawi ang mga tatangaying gamit ng fire volunteer.

Nang dumating ang mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 7 na tinawagan ng barangay sa lugar, kinapkapan nila ang suspek sa harap ng mga opisyal ng barangay at nakuha mula sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

May hinala ang pulisya na bangag pa sa droga ang suspek nang pasukin ang compound kaya’t dinala muna siya sa pagamutan upang masuri bago tuluyang sinampahan ng kasong pagnanakaw at paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.