6,406

Magnanakaw na adik nahuli sa akto, nakilala ngunit nakatakas

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 333

NAKILALA na ng pulisya ang umano’y drug addict na ilang ulit na pinagnakawan ang isang hardware store at nakapagtangay na ng mahigit sa P300,000 cash mula noong nakaraang taon matapos siyang mahuli sa akto ng may-ari kamakalawa ng madaling araw sa Malabon City.

Patakas na sana si Rogelio Tolentino, 22, tricycle driver at nakatira sa 31 Adante St. Bgy. Tañong matapos matangay ang P100,000 cash na nakalagay sa drawer ng hardware store sa 212 M.H. Del Pilar, Bgy. Maysilo nang dumating ang may-ari nito na si Carina Ramos, 66, dakong alas-3 ng madaling araw.

Nang makita ni Tolentino ang ginang, kaagad na lumabas sa ginawa niyang butas sa harapan ng tindahan  at tumakbong patakas tangay ang nakulimbat na salapi habang humingi naman ng tulong sa pulisya ang biktima subalit tuluyan nang nakatakas ang suspek.

Sa pahayag ni Ramos kina PO3 Julius Mabasa at PO2 Mardelio Osting, kapuwa imbestigador ng Malabon Police, ito na ang ikatlong pagkakataon na pinagnakawan sila ng suspek mula noong nagdaang taon.

Una umanong natangay ni Tolentino ang P39,000 cash na benta ng hardware store noong Agosto ng nagdaang taon at sinundan ng pagtangay na muli ng isang folding bike na nagkakahalaga ng P9,000 at P100,000 cash kalagitnaan ng Nobyembre.
    
Pinatunayan naman ni Barangay Chairman Jun Buenaventura ng Bgy. Tañong na sakit ng ulo ng kanilang barangay si Tolentino na bukod sa pagiging talamak na drug addict ay sangkot pa sa ilang serye ng pagnanakaw.
    
Bigo naman ang pulisya na madatnan sa kanilang bahay ang suspek bagama’t tiniyak ng ama nito na makikipagtulungan sa awtoridad upang madakip ang kanyang anak.