Lim buena mano nag-file ng CoC sa Comelec

October 17, 2018
Alfredo S. Lim
Former Manila Mayor Alfredo S. Lim shows the official ‘fist sign’ of the PDP-Laban after he filed his certificate of candidacy as soon as the Comelec Arroceros office opened at 8 a.m. He was accompanied by (Lim’s left) wife Gemma and his children (to Lim’s right). Behind Lim is Roland Sy, candidate for first district councilor, also under PDP-Laban. Photo by JERRY S. TAN

GAYA ng kanyang nakagawian na laging maaga sa lahat ng oras, naging buwena mano kahapon si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa Commission on Elections (Comelec) office sa Arroceros, Manila nang maghain siya ng certificate of candidacy (CoC) sa pagbubukas ng Comelec ganap na alas-8 ng umaga.

Si Lim ay tumatakbo bilang kandidatong alkalde sa 2019 elections ng ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) party na pinamumunuan mismo ni President Rodrigo Duterte bilang national chairman at dating Senate President Koko Pimentel bilang pangulo.

Dumating si Lim sa Comelec office dakong 7:20 a.m. at matiyagang nag-hintay hanggang sa magbukas ang tanggapan ng Comelec ng alas-8 at magsimulang tumanggap ng CoC. Siya ay sinamahan ng kanyang asawang si Gemma, mga anak, chief of staff Ric de Guzman, campaign manager na si first district Manila Councilor Nino dela Cruz at Roland Sy, na tumatakbo naman bilang first district councilor sa ticket ni Lim.

Sa kanyang pahayag, tiniyak ni Lim na pangungunahan niya sa Maynila ang isang uri ng administrasyon na magbibigay ng ‘all the way’ na suporta sa Duterte administration. Aniya, pareho lang ang pananaw niya kay Pangulong Duterte pagdating sa paglaban sa lahat ng uri ng krimen, illegal drugs at corrupt practices.

“Maglulunsad tayo ng isang matinding kampanya laban sa mga criminal at korapsyon, alinsunod na din sa tuluy-tuloy na kampanya ni Pangulong Duterte. Kailangang mangyari ito sa Maynila mismo upang sundan ng ibang lungsod,” ani Lim, na isang ‘bemedalled’ na dating pulis na nagsilbi sa police force ng 38 taon at humawak ng matataas na posisyon gaya ng pagiging hepe ng noon ay Northern Police District at dating Western Police District, dating senador, DILG secretary at NBI director.

Tiniyak din ni Lim na kanyang ibabalik lahat ng libreng serbisyo na kanyang ipinatupad mula noon pang 1992, na kinatatampukan ng pagkakaroon ng anim na ospital -- isa para sa bawat distrito at kumpleto sa anim na distrito ng lungsod. Lahat nang ito ay nagbibigay ng libreng serbisyo medikal at libreng college education sa pamamagitan ng City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila).

Ang mga nasabing libreng ospital at college education ay kilala bilang pangunahing serbisyo sa ilalim ng ‘flagship’ project ni Lim na ‘womb-to-tomb’ program na kanyang inumpisahan noong 1992 at nagkaroon ng ganoong taguri dahil na rin sa pagbibigay sa mga residente ng lahat ng uri ng serbisyong libre mula sa sinapupunan hanggangg sa libingan. Lahat ng libreng serbisyo ay ibinigay nang manungkulan si Lim bilang Manila mayor mula 1992 hanggang 1998 at muli, mula noong 2007 hanggang 2013.

Ani Lim, pinaninindigan niya ang ginawa niyang pahayag maraming taon na ang nakalilipas at noong silang dalawa ni Duterte ay pareho pang alkalde, na ang bansa ay mas magiging maunlad kung mayroon lamang tayong 20 Rodrigo Duterte, kasabay ng panawagan sa kanyang mga tagasuporta na tulungang magtagumpay ang pamahalaang Duterte.

‘Sa halip na bumatikos, gumawa tayo ng maliliit na hakbangin para makatulong. Ating alalahanin, na iisa lang ang ating bansa at ang pagtatagumpay ng namumuno sa ating bansa ay tagumpay nating lahat. Anumang maging kabiguan ng administrasyong ito ay kabiguan na tayo ding mga Pilipino ang siyang babalikat,’ aniya.                                                                                                                                  ‘Ako ay naniniwalang tunay na sinsero si Pangulong Duterte na linisin ang ating pamahalaan sa mga katiwalian at sa pagnanais na tuldukan na ang iligal na droga sa bansa kaya sana ay suportahan natin siya. Aminin natin. Sa klase ng mga kriminal at tigas ng ulo ng mga tao sa ngayon, kamay na bakal ang kailangan para  mapatino ang ating bansa,’ dagdag pa ni Lim, na nagsabing sa aspeto ng pagiging matigas laban sa iligal ay tunay siyang kaisa ni Duterte at patunay umano diyan ang kanyang service record.