5,029 guests

Lalaking nakabalot ang mukha ng packaging tape natagpuang patay sa QC

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 227

Natagpuang nakabalot ng packaging tape ang mukha, nakagapos ang mga kamay at tadtad ng tama ng baril ang isang lalaki sa Bgy. Payatas A, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawan lang na nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, brown shoes, 45-50-anyos, fair complexion, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo sa kanyang kanang dibdib na “GIE” at “BCJ32” sa likod.

Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Alvin Quisum-bing ng CIDU, nangyari ang krimen dakong ala-1:45 ng madaling araw sa tapat ng 16 Sto. Niño St., Bgy. Payatas A, QC.

Base sa pahayag kay PO3 Quisumbing ng isang nagngangalang Arnold Casis, mahimbing na umano siyang natutulog sa loob ng kanyang bahay nang magising ito dahil sa sunud-sunod na putok ng baril sa labas.

Ilang sandali pa umano ay tumahimik na kung kaya’t lumabas umano siya para alamin kung saan nanggaling ang mga putok at dito nadiskubre ang nasabing bangkay ng lalaki na tadtad ng tama ng bala ang katawan.

Narekober sa crime scene ng Scene of the Crime Operatives  (SOCO) ang 17 basyo ng bala, isang metallic jacket at isang deformed fired bullet.