Lalaking nag-aabang ng sasakyan niratrat sa QC

September 24, 2018

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lalaki na nag-aabang ng masasakyan sa Bgy. Sta. Lucia, Novaliches, Quezon City, kahapon ng madaling araw. 

Kinilala ni Insp. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Bobby Barcinilla Erot, 40, may asawa, ng Bgy. Gaya-Gaya, San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Rhic Roldan Pittong ng CIDU, ang pamamaril ay naganap dakong ala-1:20 ng madaling araw sa kanto ng J.P. Rizal at Diego Silang Sts., Bgy. Sta. Lucia, QC. 

Ayon sa mga nakasaksing sina Albert Gumban at Noel Coneindo, naglalakad umano sila sa nasabing lugar nang bigla na lamang silang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nang tingnan nila ang pinagmulan ay nakita na lamang nila na duguang nakabulagta sa bangketa ang biktima habang papatakas naman ang dalawang ’di kilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka.

Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni Chief Insp. Nellson Sta. Maria sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala ng baril.

Masusi pang sinisiyasat ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na pamamaslang upang makilala ang mga nakatakas na salarin.

Tagged Under