Lalaki timbog sa baril, pananakit ng kapitbahay

November 05, 2018

TINANGKANG paslangin ng isang lalaki ang kanyang mga kapitbahay matapos paghinalaang inginuso siya sa mga pulis kaugnay sa mga illegal na aktibidad kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nadakip naman kaagad ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 5 si Reggie Diaz, 35, welder, ng Sampaloc St., Bgy. 178, Camarin, makaraang makapagsuplong ang iba pang kapitbahay ng mga biktima.

Lumabas sa imbestigasyon na nasa labas ng kanilang bahay sa 1440 Sampaloc St. sina Romulo Sevilla, 46, Eliseo Calvez, 51, at Cecilia de Guzman, 47, nang dumating ang suspek na armado ng baril at tinutukan ang mga biktima dakong alas-7 ng gabi.

Hinataw muna ng puluhan ng baril ni Diaz si Calvez at nang aawat sina Sevilla at De Guzman, itinutok ng suspek sa kanila ang baril at ilang ulit na kinalabit subalit hindi ito pumutok.

Dahil dito’y napilitang tumakas si Diaz nang matunugan na kukuyugin siya ng ibang mga nakasaksi subalit kaagad din si-yang nadakip ni PO2 Romel Bonifacio ng PCP-5 na nakapagresponde kaagad sa lugar.

Nabawi sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na may lamang anim na bala, apat dito’y may pa-latandaang hindi pumutok.

Kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act at physical injury ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.