Lalaki nahulog sa 3rd floor ng mall, malubha

September 27, 2018

ISANG 22-anyos na lalaki ang malubhang nagtamo ng kapansanan nang mahulog mula sa ikatlong palapag ng isang mall noong Miyerkules ng gabi sa Makati City.

Si Jino Bancifra, ng Legaspi, San Miguel, Tarlac, ay nagtamo ng malubhang kapansanan sa katawan at nabali ang mga braso at mga binti. Siya ay isinugod ng mga tauhan ng Makati Rescue Team sa Ospital ng Makati at under observation.

Sinabi nina Makati police investigators PO1 Aaron Villajin at PO1 Sannyvel Quiñanola na ang insidente ay naganap bandang alas-9:10 ng gabi sa Alphaland Southgate Mall sa EDSA Magallanes.

Sinabi ng nakasaksi sa pulisya na ang biktima ay nagtangkang umupo sa stainless steel railing ng mall sa third floor nang madulas ito at mahulog.