‘Killer’ ng 9-anyos nagtangkang magpakamatay, tumungga ng glue

November 01, 2018

NAGTANGKANG magpakamatay sa pamamagitan nang pagtungga ng glue sa loob ng piitan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang suspek na tinuturong pumatay sa siyam na anyos na anak ng kanyang kinakasama.

Sa report kahapon ng pulisya, dakong 2: 37 p.m. ng October 31, habang abala sa pagkukumpuni ng tubo ng tubig ang presong si Jaymar Waradji sa loob ng piitan ay lumapit ang akusadong si Mark Christian Canopin Cayetano, 24, karpintero, at residente ng 23 Luzon St., Brgy. Payatas B, ng nasabing lungsod, at may kasong murder.

Agad na kinuha ni Cayetano ang plastic bottle na may lamang liquid PVC pipe adhesive na ginagamit ni Waradji sa pagkukumpuni ng tubo at bigla itong tinungga.

Dahil dito ay agad na humingi ng saklolo si Waradji sa duty jailer na nakilalang si PO3 Bienvenido Ribaya at isinugod sa QCPD Health Service si Cayetano bago inilipat sa East Avenue Medical Center kung saan hanggang kasalukuyan ay inoobserbahan pa ng mga doktor.

Magugunitang nitong October 3 ay dinampot at ikinulong sa CIDU-QCPD si Cayetano na inakusahang pinatay sa sakal bago sinaksak sa likuran saka tinabunan ng bato ang  siyam na anyos na na anak ng kanyang ka-live in upang itago ang krimen sa Barangay Payatas.

Sa  report kay  P/Supt. Joel Villanueva, ng QCPD-Station 6, dakong 9 a.m. ng  Oktubre 2 nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Michaela Dela Cruz Bernardino,  sa tambak ng mga basura na may tabon na bato  sa  bakanteng lote sa Phase 3, Block 7, Lupang Pangako, Payatas B.

Una dito ay inireport ng lolo ng biktima na nawawala ang kanyang apo nitong September 30, gayung hindi naman umano ito mahilig lumabas ng kanilang tahanan sa Phase 4, Visayas St., Lupang Pangako ng nasabing barangay.

Oktubre 1, iihi umano sana sa lugar ang 12-anyos na si Jasmin Saguno,  nang mapuna na may bahagi ng katawan ng tao na nakalitaw sa  tabon ng mga basura at bato sa bakanteng lugar na puno ng talahib.

Sa takot ay kumaripas umano ng takbo si Saguno at isinumbong sa kanilang purok leader ang kanyang nakita kaya naman agad na pinuntuhan ang sinabing lugar at nang makumpirmang parte nga ng katawan ng tao ang nakalitaw sa  tabon ng mga bato at basura ay agad nila itong hinukay.

Nang maiahon ang biktima sa malalim na hukay na tila agusan ng tubig ay  bumungad sa kanila ang batang babae na may tali pa sa leeg ng sinturon, halos hindi na makilala dahil basag ang mukha at may saksak sa likuran. Nakilala lamang umano ng ina ang bangkay ng anak dahil sa suot nitong damit.

Agad namang dinakip ang stepfather ng biktima makaraang malaman sa isang testigo na si Lai Jean Bayon Pador na magtatapon umano siya ng ‘scratched tarpaulin’ sa lugar’ nang makita  niyang bitbit ng suspek sa balikat at kinakaladkad ang bata sa nasabing lugar.

Nabatid na may kaso na ring child abuse ang suspek sa Batasan Police Station 6 dahil sa pananakit sa kanyang step daughter subalit ini-atras ang nasabing kaso laban sa kanya.  

Hinala ng pulisya posibleng minulto ang akusado nang pinatay na anak-anakan at malamang ay ayaw itong patahimikin kaya nagtangkang magpatiwakal.