Isko Moreno tatakbong mayor sa Maynila

October 12, 2018
Isko Moreno at Honey Lacuna
Pormal nang nag-file na certificates of candidacy para alkalde si dating Vice Mayor Isko Moreno (kanan) at si incumbent Vice Mayor Dr. Honey Lacuna bilang running-mate ni Moreno sa Comelec office sa Aroceros St., Maynila. Makakalaban ni Moreno sina dating Mayor Alfredo Lim at ang kasalukuyang alkalde na si Joseph Estrada sa darating na Mayo 2019. Kuha ni Jon-Jon Reyes

PORMAL nang nagsumite ng kanyang certificate of candidacy si Isko Moreno bilang alkalde ng lungsod ng Maynila ganap na alas-onse ng umaga sa tanggapan ng Commission on Election (Cemelec) sa Aroceros St., Maynila.

Kasama ni Moreno na nagsumite ng CoC sina incumbent Vice Mayor Dr. Honey Lacuna at lahat ng kanyang mga kandidato sa pagka-congressman at mga konsehal mula sa unang distrito hanggang ika-6 na distrito sa lungsod ng Maynila.

Sa kanyang presscon, bago siya maghain ng kanyang kandidatura sinabi ni Isko Moreno na panahon nang bata naman ang dapat manungkulan na alkalde sa lungsod at pabiro pang sinabi ni Moreno sa kasulukuyang alkalde na “kung saang bahay ko siya sinundo noon ay doon ko rin siya ihahatid pagtapos ng eleksyon sa Mayo 2019”.

“Its my turn,” dagdag pa ni Moreno, nagpasalamat pa siya kay Pangulong Rodrigo Duterte at SAP Bong Go sa kanilang tiwalang ipinagkaloob sa kanya at sa lahat ng kanyang mga tagasuporta sa lungsod ng Maynila.

Kaugnay nito, naging maayos naman ang ibinigay na seguridad ng Manila Police District sa pamumuno ni MPD director Chief Supt. Rolando B. Anduyan at kanyang mga kawani sa Comelec.