Hotel worker nakuryente habang nag-iisnak, utas

Nasawi ang isang lalaki matapos makuryente habang kumakain ng midnight snack kasama ang dalawang ka-trabaho sa metal na tubo kamakalawa ng gabi sa isang kilalang hotel sa Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay kinilalang si Rogen delos Reyes Magan, 32, binata, ng 179 Tangke St., Malinta, Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola ng CIDU, ang insidente ay nangyari dakong alas-11:45 ng gabi (October 23) sa loob ng boiler area na nasa ika-apat na palapag ng Great Eastern Hotel, Aberdeen Court na matatagpuan sa 1403 Quezon Avenue, Bgy. West Triangle, QC.

Sa salaysay sa pulisya nina Marlon Calceta at Ramille Matamo, co-workers ng biktima, dahil sa break nila ay nag-midnight snack muna sila kasama si Magan na naupo sa metal tube pipe habang ang kaliwang paa ay ipinatong nito sa ibabaw ng electrical extension cord.

Habang kumakain ay nagulat na lamang sila nang makitang nagkikisay si Magan kaya nang malaman na nakukuryente ito ay agad na binunot ni Matamo ang plug sa socket.

Agad namang humingi ng saklolo si Calceta sa mga security guard at isinugod sa Capitol Medical Center ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival alas-11:58 ng gabi ng attending physician na si Dr. Bello Corazon.