Ginang nilooban, pinatay

November 04, 2018

Natagpuang patay at may sugat sa ulo ang isang ginang sa loob ng kanyang bahay sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Posibleng pagnanakaw umano ang motibo sa pagpaslang sa biktima na kinilalang si Maria Joy Rima Maskariño, 54, na nakatira sa Bgy. Pasong Tamo, QC.

Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-8 ng gabi nang matagpuang wala nang buhay at duguang nakahandusay at may malalim na sugat sa noo ang biktima sa loob ng kanyang tahanan.

Sinabi ng mga kaanak ng biktima na noong Sabado ng hapon ay hindi na makontak ang tatlong cellphone ng biktima kaya noong gabi ay pinuntahan na nila ito para alamin kung ano ang nangyari.

Pagdating sa tahanan ng biktima ay sarado ito kaya pinuwersa na lamang nilang buksan at doon tumambad ang duguang biktima.

Hinala ng pulisya, pinalo sa ulo ng matigas na bagay ang biktima na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.

Sinasabing pagnanakaw ang posibleng motibo ng krimen dahil nakakalat ang gamit ng biktima at wala na rin ang tatlo niyang cellphone.

Nawawala rin ang laman ng bag ng biktima at ang wallet na may pera, ATM, credit cards at laptop nito.