GF ginawang punching bag ng bf ang ulo!

October 11, 2018

DUMANAS muli ng kalupitan ang isang 22-anyos na Chinese national sa kamay ng selosong kalive-in makaraang gawin punching bag ang kanyang ulo at mukha kamakalawa ng umaga sa Pasay City.

Natigil lamang ang pananakit ni Jingren Dai, 35, isa ring Chinese national, sa kanyang kinakasamang si Menaiko Otani, nang magresponde na ang mga security personnel ng tinutuluyan nilang condominium sa 9K Tower 4, Oceanaire, Sunrise Drive, CBPI Bgy. 76 matapos hingan ng tulong ng mga nakarinig sa nagaganap na pananakit.

Inaresto ng mga security personnel si Dai habang isinugod naman sa Pasay City General Hospital ang kanyang kinakasama sanhi ng mga tinamong sugat sa ulo at labi.

Batay sa isinumiteng ulat ng Pasay City Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Sr. Supt. Noel Flores, nangyari ang panggugulpi ni Dai dakong alas-5 ng umaga makaraan ang kanilang argumento.

Lumabas sa imbestigasyon nina SPO1 Alma Dela Cruz at PO3 Vanessa Camisera ng WCPD na bago nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa, inakusahan umano ng lalaki ang kinakasama ng pakikipagmabutihan sa hindi tinukoy na lalaki na ikinaila naman ng biktima.

Likas na umanong seloso ang suspek at kahit walang basehan ay inaakusahan ang kinakasama at sinasaktan kapag humantong ang kanilang usapan sa mainitang pagtatalo.