Chi-Fil tumalon sa 10th floor ng Sanctuarium Funeral sa QC, tigok

Tumalon mula sa ika-10 palapag na gusali ng Sanctuarium Funeral sa Quezon City kahapon ng tanghali ang isang 15-anyos na Chinese-Filipino.

Halos magkalasug-lasog ang  katawan ng biktima na itinago sa pangalang Marie nang matagpuan dakong alas-12 ng tanghali matapos tumalon mula sa ika-10 palapag na gusali ng Sanctuarium Funeral na matatagpuan sa 739 G. Araneta Avenue corner Agno Ext., Bgy. Tatalon, QC.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, nagulat ang mga security guard ng nasabing gusali nang maka-rinig ng malakas na kalabog sa sementadong gutter ng Sanctuarium at nang kanilang usisain ay bumungad sa kanila ang lasug-lasog at duguang nangingisay pang biktima.

Agad tumawag ng SOCO team sa QCPD ang mga guwardiya para imbestigahan ang insidente.

Makalipas ang mahigit sa isang oras ay dalawang kamag-anak ng biktima ang dumating na siyang positibong kumilala sa bangkay.

Sinasabing matinding depresyon sa buhay ang dahilan ng pagpapakamatay ng dalagita sa pamamagitan ng pagtalon sa ika-10 palapag na gusali.

Nakiusap naman sa mga mamamahayag ang pa-milya ng biktima na kung maaari ay huwag nang banggitin pa ang pangalan nang dalagitang anak nila na nagpatiwakal.

Gayunman, tumangging magbigay ng anumang de-talye ang pamilya kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay ng dalagita.