6,063 guests

‘Ceasefire’ hinihingi ng transport sector

  • Written by Jun I. Legaspi
  • Published in Metro
  • Read: 258

HUMIHINGI ng “ceasefire” ang transport sector sa “Tanggal Bulok-Tanggal Usok” kampanya ng Department of Transportation at Land Transportation Office (DOTr-LTO).

Ayon kay Jun Magno, national president ng Stop ang Go Coalitions (SGC), malinaw sa kanila ang isyu at wala silang tutol sa kampanya ng gobyerno.

Kaugnay nito, nanawagan din si Magno sa mga kapwa niya driver at operator na sumunod sa kampanyang Tanggal Bulok-Tanggal Usok.

“Huwag matigas ang ulo, ayusin natin ang ating mga jeep...sa mga operator huwag po nating tipirin ang ating mga jeep, kung tayo po ay pagbibigyan sa ceasefire o hinay-hinay na hulihan ay maging responsable tayo sa ating mga jeep,” saad ni Magno.

“Paano po natin ilalaban ang hanay ng mga PUJ kung masyado nang mausok, dilapidated o ang daming problema ng ating jeep.

“Kailangan po ay merong handbrake na gumagana naman, kailangan naka-uniporme, sapatos ang driver, kumpleto signal light, maayos ang mga upuan, kisame, hindi kalbo gulong, at higit sa lahat ay mag-ilaw sa gabi ’pag pumapasada ang ating mga jeep,” paliwanag pa ni Magno.
    
Sa report ng composite team I-ACT sa pangunguna ng LTO, umabot na sa 400 dilapidated, mausok, luma at kalbong mga gulong na mga nahuling mga jeepney at ipinadadala sa LTO-Motor Vehicle Inspection Center para sa “Roadworthy” inspection.
    
Ayon kay Atty. Clarence Guinto, Director ng LTO-National Capital Region, sa report na ibinigay sa kanya ni Engineer Jigz Zafra, chief ng LTO-Southern Motor Vehicle Inspection Center, 90% ng PUVs na nagpapainspection ng roadworthiness ay bagsak.    
    
Muling pinayuhan ni Guinto ang mga jeepney driver at operator na siguraduhing maayos ang kanilang mga jeep bago dalhin sa LTO-MVIC para sa roadworthiness inspection at para hindi masayang ang kanilang panahon.
    
Nitong Biyernes lamang nagsagawa ng training ang mga inspector ng agency upang matiyak na walang nakakalusot na bulok at mausok na jeep o iba pang mga sasakyan, pribado man ito, saad ni Guinto.