9,765

Bosero nahuli sa akto, nanaksak dahil napahiya

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 180

INUNDAYAN ng saksak ng isang lalaki ang ama ng babaing kanyang umano’y binobosohan matapos siyang
mapahiya nang komprontahin ng biktima kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Pinasok ng suspek, na kilalang si Gabriel de Asis, alyas “Gabo”, sa loob ng kanilang bahay
sa Block 18, Lot 19, Sitio Kabatuhan, Gen. T. De Leon, ang biktimang si Rommel Olazo, 44, bago mag-
ala-una ng hapon at kaagad na inundayan ng saksak sa tagiliran.
    
Lumabas sa pagsisiyasat ni PO2 Regor Germedia ng Valenzuela Police Station Investigation
Unit (SIU) na nagsumbong ang babaing anak ng biktimang itinago sa pangalang Jenny sa kanyang ama
nang mahuli niya si De Asis na binobosohan siya habang nagbibihis noong Linggo ng dakong alas-8 ng
gabi.
    
Kamakalawa ay kinompronta umano ng biktima si De Asis sa ginawang pamboboso sa kanyang anak
na naging dahilan upang mapahiya siya sa mga kapitbahay kahit mariin niyang itinanggi ang bintang.
    
Nang makauwi na si Olazo, sinundan siya ng suspek at pinasok sa bahay bago tinarakan sa
tagiliran.
    
Mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ng kanyang mga kaanak ang biktima sa
Valenzuela Medical Center kung saan kasalukuyan siyang nakaratay matapos lapatan ng lunas.
    
Kasong frustrated murder and isinampa ng pulisya laban kay De Asis sa Valenzuela City
Prosecutor’s Office. May ulat nina Jason serato at Meg Brian Lopez (OJTs)