Bangkay na, nagsilang pa

November 02, 2018

Himalang nabuhay ang isang sanggol na nailabas mula sa sinapupunan ng kanyang nanay na patay na nang ilang minuto dahil sa sakit na tuberkulosis.

Sa inisyal na report ni SPO1 Hermogenes Capili ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCP), dakong alas-6 ng umaga kahapon ay ginising ni Rehanah Lingcoan Omar, 27, dalaga, ng J.P. Rizal St., Road 4, Bgy. Bagong Silangan, ang kanyang pinsan na nakilalang si Nailyn na katabi nito matulog at sinabing nahihirapan si-yang huminga.

Nang makita ni Nailyn na hirap na hirap nang huminga si Omar at nagsusuka na ng dugo ay tinawag niya ang kanilang mga kamag-anak at dinala ito sa East Avenue Medical Center subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Kristine Levisle, alas-7:42 ng umaga.

Dahil sa kabuwanan na ni Omar, bagamat wala na itong buhay ay isinailalim pa rin siya sa surgical operation ng doktor upang mailigtas ang sanggol sa sinapupunan nito.

Makalipas lamang ang ilang minuto ay tuwang-tuwa ang mga doktor nang mailabas nila ang sanggol sa sinapupunan ng namatay na ina nito na buhay na buhay, gayunman inoobserbahan pa rin umano ito sa nabanggit na ospital.

Nabatid na si Omar na siyam na buwang buntis ay hiwalay sa lalaking nakabuntis sa kanya at sumasailalim sa medikasyon dahil sa sakit na TB.