6,959

6 na holdaper pumasok sa kainan, nanghablot ng cp

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 280

ANIM na armadong kalalakihan ang pumasok sa isang restaurant at hinablot ang dalawang mamahaling cellular phones ng isang city prosecutor kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Sa ulat na natanggap ni Caloocan police chief Sr. Supt. Restituto Arcanghel, pumasok upang kumain ng hapunan sa Manzano’s Kitchen sa kanto ng Macabagdal at A. De Jesus Streets ang tagausig , kasama ang isang babae dakong alas-8 ng gabi.

Habang hinihintay ng dalawa ang kanilang inorder na pagkain, apat na lalaki ang pumasok na nag-uusap nang malakas kaugnay sa lugar na kanilang pagpaparadahan hanggang isa sa kanila ang bumunot ng baril at binantaan ang mga customer at kawani na walang gagalaw.

Dito na pumasok ang dalawa pa nilang kasama na kapuwa armado na rin ng baril at puwersahang hinablot ang Samsung at iPhone brand na mobile phone ng tagausig. Hindi naman nabanggit sa ulat kung may iba pang customer ng restaurant na pinagnakawan din ng mga holdaper.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na lugar habang nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang pulisya subalit bigo na silang mahuli o makilala ang mga kawatan.

Inatasan naman ni Sr. Supt. Arcanghel ang mga imbestigador na suriin ang CCTV camera ng restaurant upang makita ang kaanyuan at makilala ang mga holdaper.