4,652 guests

4 pinagbabaril ng gunmen sa QC, utas

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 241

Apat-katao ang pinagbabaril hanggang sa mamatay ng hindi mga kilalang suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang unang insidente ng pamamaril dakong alas-8:20 ng gabi habang naglalakad sa Clemente St., kanto ng Bethlehem St., Bgy. San Agustin, Novaliches, ang biktima na si Ferdinand Gregorio Ibañez, alyas “Tata”, 38, ng 11 Gregorio Compound, Interville Subd., Novaliches.

Halos sumabong ang ulo ng biktima sanhi ng tinamong mga tama ng punglo sa bungo nito.

Narekober ng mga ope-ratiba ng Scene of the Crime Operatives  (SOCO) sa pangunguna ni Senior Insp. Aldrin Forro sa crime scene ang apat na basyo ng bala at dalawang fired bullets ng hindi mabatid na kalibre ng baril.

Nakuha rin sa mismong kamay ng biktima ang mga susi ng motorsiklo at dalawang transparent plastic sachet na naglalaman umano ng shabu.

Dakong alas-10:30 ng gabi sa tapat ng 26 Capricorn St., San Roque 2, Bgy. Bagong Pagasa, ay pinagbabaril naman hanggang sa mapatay ng hindi rin kilalang mga suspek si John Francis Armildez, 32, married, tubong Masbate at naninirahan sa Sebastian St., San Roque 2, Bgy. Pagasa.
    
Base sa naging paha-yag kay PO1 Christian Loyola ng isang nagngangalang Emilio Go, nakita niya umano ang biktima na nakatayo sa lugar na parang may hinihintay hanggang sa makarinig na lang ito ng putok ng baril at nakita niya ang biktima na nakikipagbuno pa umano sa hindi kilalang lalaki hanggang sa bumulagta na ito.
    
Pagkatapos ng halos isang oras, dakong alas- 11:40 ng gabi ay umali-ngawngaw naman ang mga putok ng baril sa 21 Compound, Austria St., Bgy. Novaliches Proper, Novaliches.
    
Pagkaraan ng mga putok ay nadiskubre na lang ang duguang bangkay ng biktima na nakilala lang sa alyas Butchoy, nasa 35-40-anyos, 5’2" ang taas, medium built, may tattoo na dragon at butterfly sa kanang braso.
    
Matapos ang pamamaril ay nakita na lang umano ang apat na hindi kilalang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo at mabilis na tumakas mula sa crime scene patungo sa direk-syon ng Susano Road, Novaliches.
    
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa  kanyang katawan at narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala at isang deformed fired bullet ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
    
Dakong alas-2:10 ng madaling araw naman nang  pagbabarilin hanggang sa mapatay ng anim na mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang biktima na si Danny Palad, alyas “Bong” 41, ng 248 Daisy St., Bgy. Payatas -A.
 
Base sa naging paha-yag kay PO3 Jogene Hernandez ni Rowena Pilar, live-in partner ng biktima, mahimbing na silang na-tutulog katabi ang 10-anyos nitong anak na babae nang magising siya dahil sa maingay na tahol ng mga aso ng kanilang kapitbahay.
    
Ilang sandali pa ay isang malakas na tadyak ang kanyang narinig sa pintuan ng kanilang bahay at dito umano ay pumasok ang anim na mga armadong lalaki na pawang mga nakasuot ng maskara.
    
Palihim umanong pumasok sa kanilang çomfort room si Pilar para magtago hanggang sa makarinig na lang ito ng sunud-sunod na putok at dahil sa takot ay nanatili ito sa loob ng banyo.
    
Nang matapos ang mga putok at narandaman nitong tahimik na ay saka palang siya lumabas at dito na niya nadiskubre ang kinakasamang si Bong na tadtad ng tama ng bala at literal na naliligo sa sari-ling dugo.
    
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives  (SOCO), narekober sa crime scene ang 13 basyo ng bala at walong deformed fired bullets at shabu paraphernalia.