4,812 guests

30 taong kita ng OFW tinangay ng ‘Budol-Budol’

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 461

Nabiktima ng mga miyembro ng “Budol-Budol Gang” ang isang overseas Filipino worker (OFW) at nalimas ang kanyang kinita nito sa loob ng 30 taong pagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD)-District Special Operations Unit (DSOU), hindi napigilan ng biktimang si Leonardo Austria, ang kanyang emosyon nang makaharap ang suspek na nagpakilalang isang Engineer Luis de Guia subalit ang lumitaw sa imbestigasyon na ang tunay na pangalan nito ay Jonathan Asuncion.

Batay sa pahayag  ni Austria, una siyang nilapitan ng isang Vince na sinabing isa umanong exporter ng fish enzyme.

Makalipas ang isang linggo ay nakilala naman ng biktima si  De Guia na may kasamang Japanese national na naghahanap umano ng supplier ng tuna fish enzyme para sa kanilang negosyo.

Lingid sa kaalaman ni Austria, magkakasabwat pala ang tatlo at sa pamamagitan niya ay pinagtagpo niya ang mga ito na nagkaroon ng kasunduang magkakaroon sila ng transaksyon, at makakatanggap naman ng por-syento ang nasabing OFW.

Nagulat na lamang si Austria nang biglang magdala si alyas Vince sa kanyang bahay ng 250 kahon ng tuna fish enzymes.
    
Agad namang tinawagan ni Austria si De Guia at nakiusap ito na abonohan muna ang mga produkto dahil sa mga panahong iyon ay hindi umano ito makapagpadala ng bayad dahil may importante pa siyang ka-transaksiyon.
    
Nabatid na sa kabuuan ay P8.29 milyon ang inilabas ni Austria at huli na nang malaman niyang nabiktima siya ng pambubudol.
    
Ayon kay Austria, ang P7.29 milyon ay idineposito sa bank account ng nakilalang si Winifredo Adriani na isa namang seaman.
    
Lumutang si Adriani sa mga operatiba ng QCPD-DSOU para linisin ang kanyang pangalan. Aniya, hindi siya membro ng grupo ni De Guia at ginamit lamang nito ang kanyang bank account.
    
Alibi ni Adriani, nakilala niya si De Guia sa pa-mamagitan ng isang kaibigan nang magpatulong ito at makiusap na kung maaari ay sa bank account niya ipapadala ang pera para umano sa pagpapagamot ng kanyang nanay.
    
Dahil sa tiwala mula sa kanilang common friend ay pumayag si Adriani na gamitin ni De Guia ang kanyang bank account kung saan pumasok ang P7.29 milyon na kanyang winithdraw at ibinigay kay De Guia.
    
Laking gulat na lamang ni Adriani nang makita niya sa balita ang kanyang pangalan na sinasabing suspek sa pambubudol.
    
Matapos ang insidente ay kinausap pa siya muli ni De Guia at hiningan ng P100,000 para hindi na nila idiin pa ito na kanila umanong kasabwat sa pambubudol kay Austria.
    
Dito na nakipag-coordinate si Adriani sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ni De Guia at doon ay nalaman ang tunay na pangalan nito  na  Jonathan Asuncion.
    
Inihahanda na ang kasong syndicated estafa laban sa mga suspek.