3 huli sa sugal na shabu ang pantaya

September 23, 2018

PATUNG-patong na kaso ang kakaharapin ng tatlong lalaking nagsusugal na ang ginagamit na pantaya ay shabu kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling at Section 11, Article II ng RA 9165 ang isasampa ng pulisya laban kina Jonel Razalan, 23, ng 571 Ignacio Compound, Bgy. 162; Roger Kabyok, 45, at Marvin Suligan, 42, kapwa ng Mabolo, Block 4, Bgy. 160.

Ayon kay Caloocan Police Community Precinct (PCP) 7 commander Senior Insp. Jeraldson Rivera, dakong alas-9 ng gabi habang nagsasagawa sila ng anti-criminality campaign sa Block 4, Bgy. 160, Libis, ay namataan nila ang tatlong kalalakihang nagsusugal ng cara y cruz.

Palihim na lumapit sa tatlo ang ilang mga pulis at dito nila namataan na bukod sa salapi ay may nakalatag na shabu na tinataya ng mga suspek sa kanilang pagsusugal.

Matapos kapkapan, nakumpiska pa ng mga operatiba ang apat pang plastic sachet na naglalaman ng hindi pa batid na dami ng shabu habang nakumpiska rin ang tatlong barya na ginagamit bilang “pangara” at P160 na taya.

Ipinasa ng mga tauhan ng PCP-7 sa Station Drug Enforcement Unit ng Caloocan police ang mga nada-kip na suspek, pati na ang mga nakumpiskang illegal drugs, para sa pagsasampa sa kanila ng kaukulang kaso sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Tagged Under