3-anyos minolestiya ng tiyuhin

October 23, 2018

PAGNANASA at hindi pagmamahal sa 3-anyos na pamangkin ang ipinadama ng isang construction worker na nahuling minomolestiya ang bata sa loob ng silid ng biktima kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Tinangka pang tumakas ni Alex Aguilar, 49, nang puntahan ng mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 5 sa kanyang tira-han sa Capalad St., Bgy. Balangkas, kasama ang mga magulang ng batang si Michelle (hindi tunay na pangalan), subalit kaagad siyang nasakote sa Villa Pariancillo makaraan ang maikling habulan.

Sa isinumiteng ulat ni PO3 Ma. Luisa Casandra Pobadora ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay city chief of police Senior Supt. David Nicolas Poklay, kadarating lang ng bata, kasama ang ina, mula sa pinapasukang paaralan bilang nursery student sa kanilang tirahan sa Mansanas Ext., Bilog, Balangkas alas-2:30 ng hapon nang tabihan ng suspek sa loob ng silid.

Nagkataong pumasok din sa loob ng silid ang menor-de-edad na pinsan ng biktima na itinago sa pangalang Loren at nagtaka kung bakit nakatalukbong ng kumot ang dalawa. Nang tanggalin ni Loren ang kumot, nagulat siya sa ginagawang pagdaliri ng suspek sa maselang bahagi ng katawan ng bata na noon ay wala ng suot pang-ibaba.

Ayon naman sa ina ng bata, kinabahan siya nang malamang tinabihan ng pinsan ng kanyang mister ang anak sa silid nito sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan kaya’t mabilis siyang umakyat subalit nasalubong na niya ang anak na pababa na rin at wala ng suot na panty.

Nang makita ang pamumula ng maselang parte ng katawan ng anak, tinanong niya ang bata at sinabi nitong pilit na dinadaliri ng kanyang tiyuhin ang kanyang kaselanan.

Dito na nagsumbong sa kanyang mister ang ginang at sa tulong ng mga tauhan ng PCP-5, pinuntahan nila ang bahay ng suspek na nagtangka pang tumakas nang makita ang padating ng mga pulis.

Nang suriin ng ina ng bata ang hinubad na panty ng anak, nakita niya ang ilang hibla ng buhok na mistulang “pubic hair” na isasailalim naman ng pulisya sa pagsusuri upang magamit na ebidensiya sa pagsasampa ng kasong statutory rape laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.