200 AWOL Quezon City Police District cops suspindido

November 06, 2018

Umabot sa 200 tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang nasuspinde sa kanilang trabaho habang 10 naman ang tuluyang nasibak dahil sa pagiging Absent Without Official Leave (AWOL).

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Joselito  T. Esquivel Jr., karamihan sa mga nasuspinde at nasibak ay may ranggong PO1 at PO2.

Aniya, mayroon pa silang isinasailalim sa ‘disiplinary action’ at masusing imbestigasyon dahil sa pagiging bulakbol sa trabaho.

Isa sa nakikitang dahilan ni Esquivel na madalas na pagliban sa trabaho ng ilan niyang tauhan ay ang maliit na ‘take home pay’ at dami ng kanilang pinagkakautangan.

Dahil dito ay mahigpit na ipinatutupad sa QCPD ang polisiya na tuwing nagpapatupad ng inspeksiyon ay dapat dala ng mga pulis ang kani-kanilang ATM card dahil na rin sa ilang impormasyon na isinasanla ito.

Sa ngayon aniya ay patuloy ang ginagawa nilang ‘internal cleansing’ at masusing mino-monitor ang galaw ng kanyang mga tauhan upang maiwasan ang pagpatong, pagpasok sa iligal na aktibidad, pagbebenta ng kaso at pag-recycle ng nasabat na droga.