5,304 guests

2 lalaki itinumba ng 6 RIT gunmen

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 601

Dalawang lalaki ang nasawi makaraang pagbabarilin ng anim na armadong kalalakihan na nakasakay sa tatlong motorsiklo habang nakikipag-inuman sa kanilang mga kaibigan sa Bgy. Old Balara, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ramil Molina Briones, 36, binata; at Rolito Baylon Nuñez, 44, may-asawa, kapwa naninirahan sa 175 Freedom Park 5, Bgy. Batasan Hills, QC.
   
Ang mga suspek na mabilis na tumakas ayon sa mga saksi ay pawang mga nakasuot ng face mask kung kaya hindi namukhaan ang mga ito.
   
Sa ulat ni PO3 Alvine Quisumbing ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente sa may Villa Beatriz, Commonwealth Avenue, dakong alas-9:20 ng gabi.
   
Kasalukuyang nakikipag-inuman ang mga biktima sa dalawa nilang kaibigan sa naturang lugar nang dumating ang tatlong motorsiklo sakay ang mga suspek.
   
Biglang naglabas ng kani-kanilang mga baril ang mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima at nagsipagtakas.
   
Dead on the spot sa lugar si Briones habang itinakbo naman sa East Avenue Medical Center si Nuñez subalit idineklara din itong dead on arrival, alas-10:35 ng gabi.
   
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene, narekober ang tatlong basyo at dalawang depormadong bala mula sa hindi matukoy na baril. Nagtamo naman ng multiple gunshot wounds ang mga biktima.
   
Palaisipan naman sa pamilya ni Nuñez ang motibo ng pamamaril gayong wala naman umano silang alam na kaaway nito, lalo pa at pinakawalan din anya ito ng mga pulis matapos ma-tokhang dahil negatibo naman ito sa droga.