7,345 guests

2 Indian nat’ls nilooban ng P.1M

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 172

NATANGAY ng mga kawatan ang mahigit P.1 milyong halaga ng salapi, alahas at gadgets, pati na ang $2,400 sa dalawang estud-yanteng Indian national matapos pasukin ang kanilang inuupahang apartment kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nanlulumong nagtu-ngo sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 3 ang mga biktimang sina Harshita Singh, 21, medical student, at Kiran Singh, 21, matapos matuklasang napasok ng mga kawatan ang inuupahan nilang apartment sa 30-C Silangan Park Subdivision, Bgy. Marulas.

Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela police deputy chief for operation Supt. Rey Medina, natuklasan lamang ng mga biktima ang pagnanakaw kahapon ng umaga nang magkasabay silang umuwi dakong alas-10:30 ng umaga.

Nagulat na lamang ang dalawa nang makitang magulung-magulo na ang loob ng inuupa-han nilang apartment at wala na ang kanilang salapi, alahas at gadgets, pati na ang kanilang pasaporte, limang ATM cards mula sa India at iba pang mahalagang dokumento.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Ronald Tayag ng Station Investigation Unit ng Valenzuela police, nagawang makapasok ng mga kawatan sa pamamagitan ng pagdaraan sa sinirang harang ng bintana sa naturang apartment.
 
Inamin naman ng mga biktima na noong nakaraang buwan ng Hunyo, napuwersa silang basagin ang salamin sa kanilang bintana para makapasok matapos nilang maiwan sa loob ang susi ng apartment.  Hiniling na aniya nila sa may-ari ng inuupahang apartment na ipagawa ang bintana subalit hindi umano ito inaksiyunan.