2 holdaper utas sa QC firefight

Nasawi ang dalawang holdaper matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Novaliches, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Joselito T. Esquivel Jr., ang dalawang hindi pa nakilalang holdaper ay tinatayang nasa edad 30 pataas at may mga tattoo sa katawan.

Batay sa inisyal na report kay Novaliches Police Station (PS 4) commander  Supt. Rossel Cejas, ang engkwentro ay naganap dakong ala-1:35 ng madaling araw sa  Midway St., Forest Hills Subd., Bgy. Gulod, Novaliches.

Nagsasagawa umano ang Tactical Motorcycle Riders (TMR) ng Novaliches police ng anti-criminality patrol nang isang concerned citizen ang nagsumbong sa kanila na may dalawang lalaking magka-angkas sa motor at kahina-hinala ang kilos na umaaligid sa lugar.

Agad namang nirondahan ng mga awtoridad ang nasabing lugar subalit nang maispatan sila ng mga suspek ay agad silang pinaputukan ng baril pero  dahil nakasuot ng bullet vest ay hindi ang mga ito tinamaan.

Dahil dito ay gumanti na rin nang pamamaril ang mga pulis at duguang bumulagta ang mga holdaper.

Nasamsam sa crime scene ang isang cal. .38 revolver na may serial number 2964, at tatlong fired cartridges, isang Norinco cal. .45 1911 pistol (SN418271) at  magazine,  apat na cartridge cases ng cal. .45,  dalawang motorcycle na mga walang plaka, dalawang sling bags na naglalaman ng mga dokumento gaya ng mga motorcycle registration plates, mechanical tools at dalawang sachet ng shabu.