Mas excited kesa kinakabahan si Kylie Padilla sa pilot sa Monday ng pinagbibidahang Blusang Itim.
Matagal daw niyang hinintay ang project at ngayong dumating na, hindi na siya makapaghintay na umere.
Napapanood ng amang si Robin Padilla, stepmom na si Mariel Rodriguez at kapatid na si Queenie Padilla ang trailer ng soap at nakita pati ang billboard niya sa GMA-7.
“Si Papa, nag-text sa akin, ang ganda-ganda raw ng trailer at ang text niya, ang daming exclamation points. Ganu’n din si Tita Mariel at si Queenie, nag-congratulate at masayang-masaya ako,” wika ni Kylie.
Nilalagyan ng prosthetics ang mukha ni Kylie na makati at mainit, pero hindi na niya iniisip dahil alam niyang para sa ikagaganda ng soap.
Tsika ni Kylie, may special participation si Snooky Serna, original Jessa sa movie version ng Blusang Itim, bilang si Loleng, ang magbibigay sa kanya ng blusang itim.
Pag-aagawan si Kylie nina Frank Magalona at Carl Guevarra at dahil 16 weeks tatakbo ang serye, matatagalan bago malaman kung kanino siya mapupunta. Bagong condo unit ang bibilhin ni Kylie sa talent fee niya sa Blusang Itim at bibili rin siya ng taping chair dahil wala siya nito.
* * *
Nakita ng press sa lobby ng GMA Network si Aljur Abrenica nu’ng Monday evening at dahil nasa taas that time si Kylie para sa presscon ng Blusang Itim, tinukso ng writers ang actor na sinusundo ang dalaga ni Robin.
Sa kantyaw ng press kay Aljur na walang nangyayari sa kanyang pagdi-deny sa panliligaw kay Kylie, “wala akong dini-deny,” ang sagot nito.
Hindi na namin hinintay ang pagkikita ng dalawa.
* * *
Mula pala sa pamilya Dy ng Isabela si Luane Dy, segment host ng Unang Hirit, ka-alternate ni Grace Lee sa Chika Minute sa 24 Oras Weekend at gumaganap na Nikki sa I Heart You Pare.
Second cousin niya ang ex-BF ni Heart Evangelista, pero 11 years nang hindi umuuwi ng Cauyan, Isabela, mula nang maghiwalay ang parents.
“I’m a product of a broken family,” sabi nito, na hindi kinakitaan ng lungkot o galit.
Hindi rin niya alam kung napapanood siya ng ama sa mga show niya sa GMA-7, basta sila ng ina at dalawang kapatid ay solid.
Enjoy bilang si Nikki sa I Heart You Pare si Luane, lalo’t mabait ang co-stars niya sa kanya.
Nanghinayang lang ito dahil three scenes lang ang nagawa nila ni Regine Velasquez at pinalitan na ito ni Iza Calzado.
Wala pang next acting project si Luane na agad inaming BF niya ang cousin ni Dingdong Dantes na si Carlo Gonzales at naging BF din si Carlo Aquino after Angelica Panganiban.
Pero two months lang daw sila tumagal at nagkakilala ni Carlo sa isang indie movie.
Magkasundo si Luane at ang current BF dahil pareho sila ng ugali, parehong nag-i-sketch at inaalagaan siya nito ’pag pagod siya.
* * *
Ending na ng Alakdana sa Friday kaya puwede na sigurong sabihing kay Billy (Paulo Avelino) mapupunta si Adana (Louise delos Reyes).
Sa sobrang thankful ni Louise sa project, hiningi niya ang props na ginamit na buntot ng alakdan at inuwi para souvenir.
Dahil sa nasabing project, nakabili siya ng worth P1.5M car pero habang wala pang susunod, sa shooting ng Tweenhearts the Movie muna siya magpu-focus.
Sila pa rin ni Alden Richards ang loveteam na ’di siguro pagseselosan ni Enzo Pineda na four months nang nanliligaw sa kanya.
Tanggap si Louise ng parents nito at niyaya pa raw siya ni Eric Pineda na sumamang manood ng laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas.
May mga umaakusa kay Louise na sumira sa loveteam nina Enzo at Sarah Lahbati, pero wala raw siyang kasalanan at ’di rin niya masisi ang fans.
Ang alam niya, friends sila ni Sarah.