5 patay sa landslide sanhi ni ‘Bebeng’


LIMANG tao ang namatay sa isang landslide kahapon sa Camarines Sur dulot ng malakas na ulan taglay ng Bayong “Bebeng.”

Natabunan nang buhay ang mga biktima nang gumuho ang lupa 4 a.m. kahapon sa Sitio Ikogan, Bgy. Luluasan, Balatan.

Tatlo sa mga namatay ay nakilalang sina Maribel Reulan, 19, Princess Ruelan, 8, at Marco Sanchez, 7. Ang pamilya nila ay mahimbing na natutulog nang maganap ang trahedya.

Samantala, kahit kumalma sa loob ng 24 oras, nananatili pa ring binabantayan ang nag-aalburutong bulkang Mayon sa Albay dahil sa bantang rumagasa ang lahar na dulot ng tropical storm Bebeng (Aure).

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na partikular nilang minomonitor ang Mayon’s permanent danger zone (PDZ).

Dahil dito, inilikas na dakong ala-1 ng umaga kahapon ang may 7,546 pamilya o 34,533 katao sa 69 barangay na malapit sa lahar zone ng Legazpi City, Daraga, Camalig, Sto. Domingo at Guinobatan, pahayag ng NDRRMC.

Pero sa update kahapon, sinabi ng Phivolcs, na isa lamang volcanic earthquake at two rockfall ang naganap at naitala sa loob ng 24 oras.

Epektibo pa rin ang Alert Level 1 sa paligid ng Mayon Volcano.

Ayong sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong “Bebeng” ay may taglay na lakas na 85 kph malapit sa gitna na aabot ng 100 kph, at kumikilos kanluran-hilaga kanluran sa bilis na 13 kph nang tumama sa Virac, Catanduanes alas-4 ng umaga kahapon.

Ngayong umaga, inaasahan itong nasa 100 km timog-silangan ng Baler, Aurora at sa Martes naman ng umaga ay inaasahan itong nasa 70 km timog silangan ng Laoag City.

Sa Miyerkules ng umaga, inaasahan naman itong nasa 250 km hilaga hilaga-kanluran ng Laoag City o 180 km hilaga kanluran ng Basco, Batanes.

With  Tonight wire monitoring

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC