CAMP Vicente Lim, Laguna -- Isang pulis, isang retiradong Army colonel at isang sibilyan ang namatay matapos paulanan ng bala ng tatlong hindi pa nakikilalang mga armadong salarin samantalang masayang nag-iinuman ang mga ito sa bahay ng pulis sa Pamana Homes, Bgy. Bucal, Calamba City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Supt. Nestor de la Cueva, hepe ng pulisya, dead on the spot si SPO1 Julian Atienza Piamonte, 49, kasalukuyang nakatalaga sa Laguna Provincial Police Office (LPPO) sa Sta. Cruz.
Samantala, binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Jose P. Rizal Memorial Hospital sina retired Army Col. Rolando Siyang, 56, at isang Rogelio Laririt, 56, kapwa may asawa at residente ng lungsod ng Calamba.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspek lulan ng hindi pa mabatid na sasakyan patungo ng kalunsuran.
Sa imbestigasyon, dakong ika-8:25 ng gabi, masayang nag-iinuman ang mga biktima sa garahe ng sasakyan ni Piamonte nang biglang sumulpot ang mga suspek at malapitang niratrat ang mga ito hanggang sa magkakasabay na bumulagta sa semento.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ni De la Cueva kay Laguna police director Senior Supt. Gilbert Cruz na nagtungo umano si Siyang at Laririt sa bahay ni Piamonte bandang 7:30 ng gabi para bisitahin ito makaraang magpagamot sa ospital.
Narekober sa lugar ang mahigit na 50 basyo ng iba’t ibang kalibre ng baril na ginamit ng mga suspek sa pamamaril.
Kaugnay nito, agad na bumuo ng task force si De la Cueva para sa mabilisang ikalulutas ng kaso at tuloy makilala ang mga suspek.