Ang tawag sa mga nagkakalkal ng mga tira-tirang bagay na nagiging basura ay "mangangalahig".
Ang tawag sa mga nakukuha nilang mga tira-tirang bagay ay "kalakal."
Nangangalahig sila ng mga kalakal sa mga tambakan o kahit saan mang may tumpok ng basura sa buong Kamaynilaan.
Dumadayo ang mga “mangangalakal” saanmang lugar na mayroong tambakan ng tira-tirang bagay na nagiging basura kung kaya minsan ay tinatawag din silang mga “gypsy.” Wala silang pirmihang lugar ng pinagkakalahigan.
Ang isang laging malungkot na tanawin sa mga tambakan ng basura ay ang mga batang “mangangalakal,” babae man o lalake. Higit nga lang na maraming batang lalakeng “mangangalakal” kaysa batang “babaeng mangangalakal.”
Ang malungkot, ang mga batang babae ay karaniwang nauuwi sa “pagkakalakal” ng kanilang mga murang katawan sa murang halaga upang kumita ng mabilis para may maipambili ng kanyang pagkain o ng mga kasama sa pamilya.
Higit namang malakas ang loob ng mga batang “lalakeng mangangalakal” na makipagsapalaran sa buhay kahit na humantong sa “pagnanakaw” nila ng mga nakausling bakal at kable sa mga bangketang dinadaanan nila. Bahagi na ng kalakal nila ‘to.
Minsan ay mahirap nang makakita ng mga “kalakal” sa tambakan dahil iniipon na ng mga “basurero” sa trak ang lahat ng mga maibebentang kalakal. Ang mga “basurero sa trak” ang kakumpitensya ng mga “batang mangangalakal” sa kalupaan. Walang magagawa ang mga batang “mangangalakal” dahil laging nauuna ang mga “basurero sa trak” dahil kasama sila ng trak sa pag-iikot sa mga komunidad ng bayan at lunsod ng Kamaynilaan.
Kung wala silang makukuhang kalakal sa lupa, pumupunta naman sila sa Manila Bay dahil sagana daw at totoo naman, na maraming mga tira-tirang bagay na nagiging basura ang karagatang ito.
Hindi alintana ng mga batang ito ang lahat ng sakit na makukuha nila sa kanilang “pangangalakal” sa kalupaan man o sa karagatan. Maghapon silang nakabilad sa init ng araw at usok-lason ng mga sasakyan at kung umulan, basa ang kanilang murang katawan kundi sila makasisilong.
Hindi na bago ang kuwento at mga tanawing ito. Ngunit bakit nga ba hindi na maluma-luma ang kuwentong ito? Bakit hindi mawala-wala sa mga kuwentuhan ang mga batang isinasabak ang kanilang murang idad at katawan sa mga panganib ng pakikipalaban para lang mabuhay.
Nakalulungkot marinig lagi sa mga batang lalake man o babae na ginagawa nila ito upang matulungan nila ang kanilang ina o ama na maysakit at ang kanilang mga kapatid. Maraming mararangya ang buhay ang maaaring umismid o magkibit-balikat lamang sa mga kuwentong buhay na ito hanggang sila ay masayang kumakain ng masasarap na pagakain araw-araw at kapag nainitan ay bubuksan ang mga kuwartong may air-condition upang ‘di pagpawisan.
Nakadudurog ‘ika nga ng pusong marinig sa bibig ng isang sampung taong gulang na batang lalake na sabihing “bahala na kung magkasakit ako. Kung mabangga ako sa pagtawid ko sa kalsada. Ang importante, matulungan ko nanay ko. May mauwi akong pera pambili ng pagkain ng mga kapatid ko.”
TOTOO ang mga salitang ito at hindi ngayon o sampong taon ko lang narinig ang ganitong pagmamahal sa kanilang pamilya at katapangang harapin ang hirap ng buhay ng mga “anghel ng lansangan” na ito. Matagal nang nagaganap ang kahirapang ito kahit ilang ulit pa nating naririnig sa mga naging opisyal at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na “lalabanan nila ang kahirapan” ngunit ang katapusan pala ay lalong lulubha ang kahirapan.
Ang nangyayaring pagtindi ng kahirapan sa Pilipinas ay hindi isang imahinasyon lamang. Ito’y totoong nagaganap sa kasalukuyan na nagsimula pa mahigit limang dekada na ang nakararaan. (
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.
)