MALOLOS City -- Nabiyayaan ng school supplies, medicine kits at tulong pinansiyal ang mga residente ng tatlong barangay sa coastal areas ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Christian Natividad at ang Rotary International District 3740 Korean Jecheon Uirim.
Ang nasabing Korean Rotarian na pinamunuan ng kanilang presidente na si Kim Sung Jin at ang pamahalaang panglunsod ng Malolos kasama si Natividad, Vice Mayor Bebong Gatchalian at Konsehal Len Pineda ay namahagi ng tulong sa mamamayan ng Bgy. Babatnin, Namayan at Pamawaran.
Masayang tinanggap ng mga mamamayan lalo ng mga kabataan ng tatlong barangay ang mga dalang regalo ng buong samahan ng Rotary International District 3740 Korean Jecheon Uirim Rotary.
Sinalubong ng banda ng mag-aaral ng Bgy. Babatnin ang mga bisitang Koreano.
Isang high school class sa Bgy. Babatnin na pinangungunahan ng kanilang principal na si Benjamin Raymundo na lubhang nasalanta ng Bagyong Pedring at Quiel ang pagkakalooban ng limang bagong sets ng computer upang makatulong sa pag-aaral ng mga bata.
Sinabi rin ni Natividad sa People’s Tonight na namigay sila ng tulong pinansiyal sa lahat ng naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
“Namigay kami ng halagang P10,000 sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng Bagyong Pedring at Quiel at P5,000 naman sa mga partially affected na pamilya,” ani Natividad.
Hindi matawaran ang kasiyahan ng mga Koreanong miyembro ng Rotarian nang makita nila ang ngiti sa mga labi ng mga residente nang sila’y dumating.
Magkatuwang din na nagtanim ng 300 punong bakawan ang mga Koreano at grupo ni Natividad sa coastal areas ng lungsod.