Susan wants to spend her days helping people


Humarap sa isang malaking press conference kahapon ang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces para sa kanyang bagong misyon bilang Brand Ambassador ng RiteMed.

Ang RiteMed ay isang sangay ng Unilab na gumagawa ng mga gamot na may kalidad ngunit sa mas murang halaga upang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino lalo na ng mga nakatatanda.

Masaya si Manang Inday (tawag kay Ms. Susan sa showbiz) during the Q&A portion lalo na nga’t bihira na rin siyang humarap sa entertainment press at natutuwa siyang makita ang mga veteran reporters na kasabayan niya.

Pero hindi maiwasang maging teary-eyed ang biyuda ni Da King Fernando Poe, Jr. when asked about her late husband after the open forum.

It’s been seven years simula nang yumao si Da King pero halatang hindi pa rin nakakalimutan ni Susan ang kabiyak.

“Akala ko habang tumatagal ay tapos na. Pero katulad nito, darating na naman ang Nov. 1 na okasyon na nagpapaaala sa atin, darating ang death anniversary, ang Pasko,” sabi ni Susan na halatang pinipigilang maiyak.

“Pero we must learn to make our lives pleasant, peaceful, happy. Kaya kung anumang ang pagmamahal tulad ng tanong kanina, marami niyan, marami niyan sa aking puso.”

* * *

Natanong ang Reyna ng Pelikulang Pilipino kung tulad din ba ng anak niyang si Grace Poe-Llamanzares ay nanaisin pa ba niyang maluklok ang kanyang yumaong asawa bilang Presidente ng Pilipinas matapos maglabasan ang mga diumano’y witnesses sa umano’y dayaang nangyari sa 2004 elections kung saan ay tumakbo ito bilang Presidente ng bansa.

“Hindi ko alam kung ano ang saloobin ko tungkol diyan. Malalaman natin ’yan kung ano ang kalalabasan nitong imbestigasyon na nagaganap. Inirerespeto ko, iginagalang ko ang mga paniniwala ng lahat ng mga naghirap na kumampanya para kay FPJ.

“Iginagalang ko, kaya ako nananahimik, iginagalang ko kung ano ang gusto nilang sabihin, kung ano ang gusto nilang ilabas na nasa puso nila na matagal nilang kinikimkim.

“Sa akin, sa aking puso, hindi ako nagtatanim o nag-aalaga o nagpapalaki ng galit. Kung anuman ang mga panahon na nalalabi pa sa aking buhay, ‘yan ay inilalaan ko sa pagtulong sa aking kapwa, sa pagbibigay ng pagmamahal at pag-aaruga.

“Totoo, maraming nakapanakit. Tao lang ako, may damdamin. Masakit. Para sa iba, ang nawala lang sa kanila ay ang boto nila. Para sa akin, ang nawala, ang buhay ko. ’Yun lang,” naiiyak niyang sabi.

Masasabi ba niyang politika ang kumuha sa buhay ng kanyang asawa?

“Wala akong sinisisi sa mga pangyayari. Siguro, kapalaran na nga. Marahil, may dahilan. Kaya lang, tao lang ako. Lalo na, nag-iisa ako. Bilang artista oo, maraming nakapaligid. Masaya ang trabaho. Salamat at sunod-sunod naman ang trabaho at naaaliw ako. ’Yun ang aking nagiging aliwan.”

Asked to comment about the alleged cheating, aniya ay ayaw na raw niyang magdagdag pa at makagulo sa nangyayaring imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang sariling opinyon.

“Katulad ninyo, nagmamamanman din ako at nakikinig kung ano ang pangyayari. Ang tanging dalangin ko lang ay sana magkaroon ng pamamaraan. Ito ay mahinto at huwag nang maulit sa mga darating na eleksyon. Sapagkat ang ating boto, bawat isa sa atin ay sagrado. Pinaghirapan ’yan na magkaroon tayo ng karapatan na piliin kung sino ang gusto nating mamuno sa atin.”

Inamin din ng veteran actress na nakaramdam siya ng depresyon sa mga turn of events tulad na rin ng naging pahayag ng kanyang anak.

“Oo, inaamin ko. Dahil ramdam ko na noon na sinasabi namin na mayroon ngang mga pangyayaring ganyan at nakikita namin doon sa mga kopya ng election returns, ay walang gustong makinig. Lahat ay nagmamadaling umupo. Hindi ko naman sila masisisi dahil tumatakbo ang panahon, kailangan nang mag-umpisa lahat at kailangang magpatuloy ang trabaho. Pero nakita naman natin, dahil sa mga pangyayari ay hindi naging maganda ang ibinunga no’n.

“Ang gusto ko lang mangyari sa mga panahon ngayon ay bigyan nila tayo ng garantiya na hindi na mabababoy kaylanman ang ating mga boto. Hindi makakapamuno nang maayos kung sinuman ang iuupo natin na hindi natin tunay na hinalal. Kahit na saang lebel, kahit na pinakamataas o pinakamababang posisyon sa gobyerno.

Samantala, sa mga darating na buwan, nakatakdang magtungo ni Susan at ang RiteMed sa iba’t ibang komunidad sa bansa para matulungang maiangat ang kondisyon nga mga healthcare natin. Magbibigay sila ng libreng konsultasyon at mga murang gamot sa mga pasyente ng kanilang lugar na pupuntahan.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC