4,652 guests

Mababantot na ‘Yosi-Kadiring’ sasakyan

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 237

Bangon kalikasan

Ang tinutukoy kong mga “Yosi-Kadiri”  o mga dugyot na sasakyan  ay mga taxi, Uber at Grab private cars. Mga rehistrado ito sa Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ilang ulit na akong nabiktima ng mga ganitong sasakyan. Ang baho ng loob ng kanilang mga sasakyan! Amoy sigarilyo! Amoy pusali! Yosi-kadiri! Bawal ito!

Nitong nakaraang Sabado lang, Disyembre 3, isang taxi at Grab ang nasakyan ko at parehong amoy sigarilyo!  Ang “dahilan” ng tsuper nang magreklamo ako na amoy sigarilyo ang kanyang Grab ay may sumakay daw na pasahero na nauna sa akin, na amoy sigarilyo daw at malamang na naiwan ang amoy sa loob ng sasakyan. Palusot?

Ang taxi naman, naninigarilyo daw ang kanyang karelyebo kung kaya amoy sigarilyo ang taxi niya. Kawawa din daw siya. Palusot?
   
Ilang linggo na ang nakalipas ay ganito rin ang naranasan ko sa isang kumpanya ng taxi. Ang bantot ng taxi! Kumapit na sa bawat sulok ng taxi ang “yosi kadiring” mabantot  na amoy!
   
Marami nang taxi, Grab at Uber ang ganitong kababantot na nasakyan ko! Ano’ng ginagawa ng LTFRB dito? Ilang ulit ko nang tinawagan si Atty. Ariel Inton na matagal nang nag-eemail sa akin ng kanilang mga press release ngunit ringing lang ang kanyang cell phone.
   
Laging may dahilan ang mga tsuper sa pagiging mabantot ng kanilang sasakyan. ‘Yung isang nasakyan ko ay sinabing nanigarilyo daw sa loob ng kanyang taxi ang nakaraang pasahero ngunit sa tantya ko ay siya ang nanigarilyo dahil nagulat siya sa pag-angal ko sa “yosi kadiring” amoy at sinabi kong bawal manigarilyo sa loob ng pampasaherong sasakyan. Napansin ko ang isang kaha ng sigarilyo na nakalagay malapit  sa hand brake. Ipinatago ko sa kanya ang kaha sa loob ng compartment upang hindi mangamoy pa. Tila natakot siya at nanatiling walang kibo.
   
Nahirapan akong huminga kahit nakatakip na ng panyo ang ilong at bibig ko kaya bubuksan ko sana ang bintana sa tabi ko ngunit sira ang bukasan! Anak ng putakte! Hindi naman ako makababa dahil umuulan noon at matindi ang trapik at wala na akong makukuhang sasakyan.
   
Pinabuksan ko sa tsuper ang mga tatlong gumaganang mga bintana ng sasakyan. Nakahinga ako ng maluwag dahil pumasok ang hangin na may kasama namang usok-lasong polusyon! Wala ka nang masulingan sa  bayan ni Juan. Hanggang sa makarating ako sa patutunguhan ko ay nanatiling nakabukas ang bintana ng mga sasakyan ngunit nanatiling nakatakip ng panyo ang aking ilong at bibig.
   
Maraming ulit na nangyari sa akin at sa pamilya ko ang mga ganitong karanasan.
   
Minsan ay galing kami sa Cubao. Sumakay kami sa isang taxi. Pagsakay ko pa lang ay nakita ko agad ang malaking nakaplastic na papel na may anunsyong  “NO Smoking.” Natuwa ako. Ngunit pag-upong pag-upo ko ay naamoy ko agad ang kabantutan ng “yosi-kadiring” amoy ng taxi! Bumaba kami ng pamilya ko dahil masusuka  na kami sa baho ng loob ng taxi.
   
Ang ikinukuwento kong  mga “yosi-kadiring” bantot ng mga nasakyan kong taxi, Grab at Uber ay maaring hindi magkakatulad sa antas ang kabantutan ngunit “dugyot, mabantot ” pa rin ang pagkasalaula ng mga ito! Pareho pa rin ang epekto nito sa kalusugan ng mga pasahero. Ito ang “second hand o passive smoking.” Biktima ang mga pasahero. Kawawa ang mga pasahero, bata man o matanda.
   
Kailangang tanggalan ng prangkisa o permit ang mga ganitong uri ng sasakyan. Kailangan ding ipaalam ng LTFRB sa publiko at may-ari ng mga sasakyan ang pagtupad o compliance sa batas. Hindi dapat balewalain ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayang sumasakay sa kanilang sasakyan.
   
May usok-lason polusyon na, may  mga  mababantot  pang “yosi-kadiri” na  mga sasakyan. Saludo naman ako sa mga taxi, Uber, at Grab na malinis at hindi “yosi-kadiring” mabantot na sasakyan.
 
(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)