4,973 guests

Sunud-sunod na operasyon ng BoC, tagumpay!

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 393

KATULAD nang inaasahan, hindi tumitigil ang mga taga-Bureau of Customs (BoC) sa panghuhuli ng mga ipinupuslit na kontrabando sa bansa. 

Lalo pa ngang pinaigting ng BoC ang kampanya laban sa ismagling.

Kitang-kita ito sa sunod-sunod na pagsalakay sa mga bodega na pinagsususpetsahang pinaglalagakan ng mga puslit at pekeng produkto.
   
Kabilang sa mga nakumpiska ay mga sapatos at sigarilyo.
   
Ang mga raiding team ay binubuo ng mga taga-Customs Investigation and Intelligence Service, Special Studies and Project Development Committee at  Intellectual Property Rights division.
   
Sinabi ni dating Philippine Marines spokesman Col. Neil Estrella, kasalukuyang OIC director ng CIIS, nagsimula ang kampanya noong Nobyembre 8.
   
Ayon kay Estrella, sa nasabing raid sa Pasay City ay nakakumpiska sila ng mga pekeng sapatos at damit.
   
Sumunod na sinalakay ang mga bodega sa Marilao, Bulacan at Villasis, Pangasinan.
   
Ayon naman kay BoC Chief Nicanor Faeldon, nauna nang sumalakay ang kanyang mga tauhan sa Davao City at Cagayan de Oro City sa Mindanao.
   
Sa dalawang syudad ay nakakumpiska sila ng mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P88 milyon.
   
Kagaya ng iligal na droga, ang ismagling ay nagpapahirap sa bansa at taumbayan.
   
Nahihirapan ang BoC na maabot ang kanyang collection target dahil sa pagpasok ng mga kontrabando sa bansa.
   
Hindi madaling masugpo ang ismagling dahil marami ang nakikinabang dito.
   
Sa totoo lang, maraming matitinong lingkod-bayan ang napilitang umalis sa BoC dahil hindi nila makayanan ang pressure ng ibat-ibang grupo sa aduana.
   
Ayon sa ating miron, kung mahina-hina ang loob mo, baka magka-migraine ka o masira pa ang ulo. Isang “hot seat” ang upuan ng hepe ng BoC.
   
Ang daming pakiusap mula sa ibat-ibang grupo.
   
Kung minsan, makakatanggap ka pa ng death threat kapag nakahuli ka ng mga kontrabando ng mga maimpluwensiyang personalidad. Sa aduana, nandiyan lahat ng klase ng tao.
   
Malas mo na lang kapag makanti mo ang isang malaking isda.
   
Pero kagaya ng sinasabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, lilinisin niya ang BoC at iba pang opisina ng gobyerno.
   
Naniniwala tayo na malilinis ang aduana bago umalis sa Malakanyang si Pangulong Rody.

* * *
   
Marami tayong natatanggap na reklamo na may mga lokal na opisyal daw ang hindi na napagkikita sa kanilang mga tanggapan.
   
Napaka-unfair nito sa taumbayan, lalo na sa mga botante. Sila’y ibinoto para magsilbi sa publiko.
   
Dapat maglabas ng babala ang Malakanyang , DILG at CSC na dapat araw-araw na pumasok ang mga gobernador, bise gobernador, bokal, alkalde, bise alkalde at mga konsehal.
   
Hindi sila dapat magtago sa mga taong dapat nilang paglingkuran. Dapat magtrabaho sila kagaya ng ibang opisyal at empleyado ng gobyerno.
   
Mahiya naman kayo sa taumbayan na nagpapasuweldo sa inyo. Harapin ninyo ang mga taong nagpapatulong sa inyo, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
   
Obligasyon ninyo na pagsilbihan ang taumbayan.
   
Nananawagan din tayo kay DILG Sec. Ismael Sueno na siguraduhing araw-araw na mag-report ang mga lokal na opisyal.
   
Sana, maglabas rin ng order si Pangulong Duterte na dapat nasa opisina ang mga lokal na opisyal sa panahon ng Kapaskuhan.

* * *
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)