5,097 guests

Driver utas sa ligaw na bala

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 166

Isang jeepney driver ang namatay habang sugatan naman sa ligaw na bala ang limang taong gulang niyang anak makaraang pasukin ang kanilang bahay ng dalawang armadong lalaki at pagbabarilin sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang nasawi na si Manolito Ramos Benjamin, 52, may asawa, ng 1 Area 1, Peacock St., Sitio Veterans, Bgy. Bagong Silangan, QC. Sugatan naman si Michael Angelo Benjamin, 5.
   
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Marlon dela Vega, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima dakong alas-7:30 ng gabi.
   
Nasa loob umano ng bahay ang biktima kasama ang asawa nito na si Arlene Benjamin nang biglang dumating ang mga armadong suspek at pinagbabaril na agad na ikinamatay nito.
   
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga salarin. Tinamaan din ng bala si Michael Angelo na agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center.
   
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO)  sa crime scene, narekober ang 11 basyo ng bala at pitong tingga. Sa cursory examination sa bangkay ni Manolito ay nagtamo ito ng multiple gunshot wounds sa buong katawan, habang ang bata naman ay nagtamo ng apat na tama ng bala.
   
Inaalam pa ng otoridad ang motibo sa pamamaril.