7,123 guests

Walang pakinabang sa mga batugan

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 246

NAUBOS sa botika ang paborito kong food supplement na hayup magpatibay ng katawan. Inubos kaya ni Transport Secretary Arthur Tugade ang vitamins na hayup magpalakas?

Natanong  ko lang kasi super lakas ni Tugade at nakakaya niyang lampasan ang mga hamon sa kanyang trabaho bilang pinuno ng DoTr. At super tibay din niya kay President Rodrigo Duterte.
   
Tadtad ng batikos ang DoTr dahil na rin sa ubod nang dami ng suliranin ng ahensiya kabilang na rito ang masamang lagay ng trapiko sa Metro Manila. Pero sa kabila nito, hindi natitinag si Tugade  at nasa DoTr pa rin siya.
   
Hindi maikakaila na malawak ang mandato at saklaw ng trabaho ni Tugade kaya naman nakasalalay sa ahensiya ang pangalan ng administrasyon ni Duterte. At in fairness, si Tugade lang sa hanay ng mga cabinet official ang masunurin sa prinsipyo ng ‘command responsibility’. Inaaako niya agad ang problema ng DoTr kapag pumuputok ito.
   
Remember NAIA? Kauupo pa lang ni Duterte nang sumabog ang kontrobersiya ng mga bitak sa runway. Mabilis na hinarap ng buong-tapang ni Tugade ang media at ang mga galit na pasahero upang magpaliwanag.
   
Hindi niya kasalanan ’yun pero wala siyang sinisi.  Sinarili ang obligasyon at nangakong gagawa ng  paraan.  Aba e, mahirap makita ang katangiang ’yan sa  mga taong gobyerno ngayon man o sa nakaraan.
   
Tahimik na naisanormal ni Tugade ang lipad ng mga eroplano. Pailan-ilan na lamang ang maririnig na daing hinggil sa flight delays at aberya ng pasahero sa ngayon.
   
Logistics person si Tugade.  Batikan sa negosyo ng paghahatid ng tao at padala sa maraming destinasyon, dito at sa ibayong dagat. Istilo ni Tugade ang maipaliwanag lahat sa bawat panayam ng media, telebisyon man o radio. Minsan napapagkamalang galit. Buti na lang at malaki ang naitutulong ng pagtatalaga ng isang TV news personality bilang tagapagsalita ng DoTr. ’Ika nga, si Tugade ang  ‘shock,’ si Cherrie Mercado naman ang ‘awe.’
   
Pinagpapahalagahan din ni Tugade ang mga kasamahan at kapwa manggagawa sa gobyerno. Alam niyang hindi niya kakayaning mag-isa ang iniatang na tiwala ni Duterte. Malinaw na pinanghahawakan pa rin ni Duterte ang pangako  ni Tugade na babaguhin niya ang takbo ng EDSA sa unang 100 araw sa pwesto. Kinalap ang mga eksperto sa mga ahensyang nasa ilalim ng DoTr at ilan pang mga tanggapan upang buuin ang I-ACT upang isakatuparan ang misyong ito.
   
Sa pamumuno, sinasabi ng mga taga-DoTr na malayo na ang narating ng pagbabagong dala ni Tugade. Bawal nang mamasko at magregalo ang mga empleyado ng ahensiya. Bawas OB at late dahil madilim pa kung dumating si Tugade sa opisina.
   
Eh kung ganu’n, sinisikap naman pala ni Tugade na kumilos upang ayusin ang mga gusot sa DoTr. Sadyang marami at madugo lang talaga ang mga suliranin sa nasabing ahensiya.  Pagbigyan muna natin si Tugade dahil baka sooner or later, makikita rin natin ang kanyang tunay na halaga bilang public servant.
   
Ibaling muna natin ang pansin sa mga batugan sa gobyerno. Ang balita ko e pagkarami-rami nila na walang ginagawa at walang silbi sa bayan. Sabi nga ng Labuyo, ‘walang pakinabang sa taong batugan’.

* * *
   
For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..