5,085 guests

Naihi sa trapik

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 225

Marami na akong narinig na kuwento tungkol sa pinsalang dulot ng trapik. Una ay ang isang matandang babaeng guro na inatake sa puso at kailangang dalhin sa ospital. Malapit lamang sana ang ospital ngunit dahil sa matinding trapik, hindi makalusot ang taxi na nagsakay sa kanya kahit halos mapudpud na ang daliri sa kabubusina. Nalagutan ng hininga ang guro sa loob ng taxi.

Ang isa naman ay isang babaeng manganganak at mula bahay nila sa Tandang Sora, lunsod Quezon patungong saanmang ospital na mapupuntahan nilang malapit ang napaanak na sa sasakyan. Hanggang sa gate lamang ng ospital umabot ang kotse at nanganak na ang ina. Di umabot sa loob ng ospital dahil sa matinding trapik.

Ang isang nasaksihan ko tulad ng babaeng nanganak sa loob ng sasakyan ay ang isang batang lalaking nabundol ng sasakyan. Nakahiga siya sa sahig ng pampasaherong dyip at duguan. Hindi makasingit-singit ang dyip at wala akong naririnig na busina. Tinabihan ko ng kaunti ang dyip at tinanong ko kung bakit hindi bumubusina ang tsuper. Sira pala ang busina.
    
Ang nangyari sa babaeng nanganak at batang nabundol ay di ko maliimutan dahil pinilit kong tumulong. Busina at  kamay ang ginamit ko. Ang tawag ko sa sarili ko no’n ay “Boy Hawi.” Kailangan kong gawin ‘yon dahil hindi sila pinapansin ng mga tsuper ng ibang sasakyan. Wala silang pakialam. Kaya napilitan akong maging “escort vehicle” ng isang emergency situation tulad ng sa manganganak at batang nabundol.
    
Itong dalawang karanasan kong inilahad bukod pa sa iba ay masasabi kong hindi pa krisis ang trapik noon ngunit matindi na rin ang trapik sa buong Kamaynilaan. Peste na rin kung gusto mong magmura ng medyo disente. Anak ng peste!
    
Ang malungkot ay ang karanasan ng isang kaibigan kong lalaking kawani sa isang opisina sa Maynila na ginawang “CR” ang buong sasakyan niya dahil naipit siya ng trapik sa may gawi ng lunsod Makati pauwi ng Cavite. Nag-uusap pa kami sa cell phone ay sinabi na niyang naiihi na siya ngunit di gumagalaw ang trapiko. Hirap na ‘anya siyang magpigil ngunit wala naman siyang magagawa.
    
Nasabi ko tuloy sa sarili ko na kailangan ng kaibigan ko si “Boy Hawi.” Ngunit paano ako makararating sa lugar niya upang tulungan siya kahit magdala man lang ng isang litrong basyong  bote o timba upang maibsan ang pantog niya. Ngunit Quezon City pa ako manggagaling at sa loob mismo ng QC ay peste na ang trapik! Pupunta pa ako ng Makati?
    
Iminungkahi ko sa kanya na tutal ay di naman gumagalaw ang daloy ng trapiko, kapalan na niya ang mukha niya at bumaba na siya ng sasakyan niya, at umihi na lang siya sa gulong sa unahan at takpan na lang ang sarili niya ng pinto ng sasakyan.
    
Hindi na siya nagsasalita at tila parang impit na tinig na lang ang naririnig ko. Tinanong ko  “OK” lang ba siya at impit na tinig pa rin ang narinig ko.
    
Ilang sandali ay narinig ko ang paghinga niya ng malalim at malakas na tumawa. “Umihi na lang ako dito sa kotse pre!. Hindi ko na mapigil!  Ipalilinis ko na lang sa car wash mamya kesa madagdagan ang bato ko sa kidney! Panghi lang naman ‘to!. Mabuti nga hindi pa ako napadumi!” ‘Tila nakahinga ang kaibigan kong kawani na araw-araw bumibiyahe ng gano’n kalayo.
    
Iminungkahi kong magbaon na lang siya lagi ng isang basyo ng isang litrong bote ng soft drink o bumili na siya ng urinal na panglalaki na nabibili sa mga department store. Naoperahan na siya at tinanggal ang gall bladder. Madalas daw umihi ang ganitong operado sa apdo. At para hindi na rin madagdagan ang mga bato niya sa bato.  (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)