6,019 guests

Bongbong at Alfred, parang superstars

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 526

KUNG pagbabasehan namin ang mga palakpak at hiyawan ng mga tao nang ipakilala at umakyat ng stage separately ang magpinsang Alfred Romualdez at Bongbong Marcos sa programang ginanap noong Martes para sa third year commemoration ng bagyong Yolanda sa Tacloban Astrodome, sobra silang mahal ng mga Taclobanon. Para silang mga superstar kung ituring doon.

Parehong walang kodigong dala sina Alfred at Bongbong nang sila’y magtalumpati.  Sa isang seryosong okasyon, nakuha ng dating mayor ng Tacloban na magbiro sa pagsasabing ‘unemployed’ umano siya ngayon dahil ang misis na niyang si Mayor Cristina `Kring-Kring’ Gonzalez-Romualdez ang humalili sa kanya,  pareho rin ng kanyang dalawang pinsan na sina Bongbong (Marcos) at Martin (Romualdez) na parehong hindi nakalusot sa magkahiwalay na tinakbuhan nung nakaraang eleksiyon. Kaya nagtawanan ang lahat ng nasa loob ng Tacloban Astrodome.  Napakalakas din ng charm ng dating beauty queen at ngayo’y congresswoman na si Yedda Romualdez na mukhang mahal na mahal din ng mga tao.

Dumalo rin sa naturang commemoration ang mister ni Dawn Zulueta, ang businessman-turned- congressman ng ikalawang distrito ng Davao na si Anton Lagdameo.  ‘Unemployed’ din sa pulitika ngayon si Anton, pero balitang isang malaking posisyon ang naghihintay sa kanya.

VP LENI, SANAY NA SA BIRO NI PANGULONG DIGONG

PARANG showbiz ang nakita naming dedmahan sa pagitan nina Vice-President Leni Robredo at dating senador Bongbong Marcos nang mag-share sa isang stage ang dalawa sa commemoration rites ng ikatlong taon ng bagyong Yolanda na ginanap sa Holy Cross Memorial Gardens ng Tacloban City na nagsilbing mass grave para sa mga naging biktima ng Yolanda kung saan dumalo rin ang Pangulong Rodrigo `Digong’ Duterte.

As we all know, si VP Leni ang naging katunggali sa pangalawang panguluhan ni dating Sen. Bongbong Marcos nitong huling halalan. May electoral protest pa ang kampo ni Sen. Bongbong laban sa nakaupong bise-presidente ng bansa.
   
Pumunta ng Tacloban si VP Leni lamang bilang pangalawang pangulo kundi miyembro ng Gabinete ng Presidente at pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).
   
Nasa entourage din ni Pangulong Digong Duterte ang secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Gina Lopez at iba pang miyembro ng Gabinete na nag-alay muna ng mga bulaklak sa mass grave  (ng Yolanda victims)  bago ito nagtalumpati.
   
Samantala, mukhang mahihirapan na ang Pangulo na alisin ang pagiging palamura habang nagtatalumpati.
   
Ang maganda lamang sa pangulo, nahahaluan niya ito ng mga biro kaya ang mga seryosong bagay ay nasisingitan ng mga patawa at kasama na rito ang kanyang pagpapalipad-hangin kay VP Leni. Mukha namang nasasanay na si VP Leni sa mga biro sa kanya ni Pangulong Digong dahil tawa ito nang tawa habang nagpapahaging sa kanya ang Presidente habang nagi-enjoy naman ang lahat ng mga tao.
   
Sinabi rin ng Pangulo na maraming magaganda sa Tacloban dahil marahil ay nalahian ng mga Amerikano at nagtawanan ang lahat.
   
Sa pagbisita ni Pangulong Digong sa Tacloban, inaasahan niyang mapapabilis ang mga pangangailangan ng siyudad lalo na para sa survivors ng Yolanda.
   
Nangako rin ang Pangulo na babalik siya sa susunod na buwan sa Tacloban para makita kung na-implement na ang mga proyektong gusto niyang matapos agad-agad.
   
Samantala, kung mahigpit ang seguridad ng Pangulo, napaka-casual naman niya sa kanyang mga kilos pati na sa kanyang mga pananamit.

KITCHIE, NAG-ALAY NG AWITIN SA YOLANDA VICTIMS

SA programa naman na ginanap sa Tacloban Astrodome nang umaga, ipinarinig ni Kitchie Nadal ang sarili niyang komposisyon in Waray para  sa paggunita ng ikatlong taon ng Yolanda.  Doon lamang namin nalaman na isa palang Waray si Kitchie, na isa rin sa mga kilalang personalidad na

nag-volunteer para makatulong sa mga biktima ng Yolanda.
   
Although sa ibang venue sila nag-perform, napag-alaman namin na naroon din last Tuesday sina Christian Bautista, Gloc 9, Renz Verano at iba pang singers.

KINILABUTAN

HABANG naghihintay kami sa pagsisimula ng misa sa loob ng Tacloban Astrodome last Tuesday morning, nagpunta muna sa restroom ang isa naming kasamahan sa panulat na si Ambet Nabus.  Pagbalik nito sa kanyang upuan ay tila namumutla ito sa takot dahil may nakita umano siyang kakaibang anino ng isang lalaki na biglang nawala sa kanyang paningin kaya tumayo ang kanyang balahibo. Kaya agad siyang lumabas ng toilet pabalik sa kanyang upuan.
 
Umusal ng dasal si Ambet dahil naniniwala siya na isa `yon sa mga kaluluwang ligaw na naging biktima ng Yolanda.