4,670 guests

Mabuhay ka Senador Pacquiao!

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 251

MATAPOS ang matagumpay na laban ni Sen. Manny Pacquiao laban kay Jessie Vargas ay balik-trabaho agad ang senador. Ipinakita lang ni Pacquiao sa mga bumoto sa kanya at sa sambayanang Filipino na kahit na may importante siyang laban ay hindi ito dahilan para maapektuhan ang kanyang trabaho. 

Sana gawing huwaran si Manny ng ibang mambabatas. 

Marami kasi tayong halal na opisyal at mambabatas na pagkatapos na mahalal, hindi mo na makita o marinig man lang ang boses. Si Pacquiao, kahit hindi mataas ang pinag-aralan, aktibo sa mga trabaho at sesyon sa Senado.
   
Katulad ng dati, alay ni Manny ang panalo niya sa sambayanang Filipino.
   
Dama mo pa rin kay Manny ang kanyang pagiging mababang-loob at tunay na pagmamahal sa bayan.
   
Marami ngang hindi nakaaalam na marami na siyang naipatayong bahay sa mga kababayan niya sa GenSan at Saranggani. At take note, ang perang ginamit dito ay sarili niyang pera. Hindi galing sa pondo ng bayan.
   
Sa panalong ito ni Pacquiao, sigurado, marami na naman siyang matutulungan.
   
Mabuhay ka, Senador Manny Pacquiao!

* * *   

Ngayon pa lang ay dapat nang kumilos ang mga pulis at opisyal ng mga barangay  na kausapin ang mga may-ari ng mga tindahan.
   
Ipaalaala sa mga may-ari ng mga tindahan na huwag magtinda ng mga ipinagbabawal na paputok.
   
Ilang linggo na lang at magsisimula na ang Christmas season.
   
Hindi dapat makalusot ang mga ipinagbabawal na paputok dahil  perhuwisyo ang mga ito. 
   
Alam ng mga opisyal ng barangay kung sinu-sino ang nagtitinda ng mga nakamamatay na paputok.
   
Walang dahilan para hindi nila mapigilan ang pagtitinda ng mga perhuwisyong paputok.
   
Hindi biro ang maputukan ng rebentador. Mahal ang pagpapagamot.
   
Kung hindi ka man mamatay ay baka mabulag o maputulan ka ng daliri o kamay.
   
Kaya ngayon pa lang ay kailangan nang kumilos ang mga kinauukulan.
   
Tama  ba, Pangulong Duterte?

* * *   

Panahon na para tumulong ang iba’t ibang simbahan sa pagpapakain at pagpapagamot sa mga mahihirap.
   
Huwag tayong tanggap na lang nang tanggap ng abuloy.
   
Tulungan naman nila ang gobyerno.
   
Kung tumutulong man sila sa mga mahihirap hindi naman siguro seasonal ito.
   
Kitang-kita naman ang mga nagkalat na mahihirap.
   
Kaya nilang tumulong sa mga kapus-palad dahil hindi naman sila nagbabayad ng buwis.
   
Tulungan natin ang mga mahihirap para hindi sila mapilitang gumawa ng masama.
   
Marami ang napipilitang magnakaw para lang may maipakain sa kanilang mga mahal sa buhay.
   
Hindi na kailangang siraan ang ibang relihiyon para makahikayat kayo ng miyembro.
   
Tao na ang lalapit sa inyo kung nakikita nilang meron kayong malasakit at pagmamahal sa mga mahihirap.

* * *   

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)