4,618 guests

‘Kusina’ ni Judy Ann, bonggang comeback film

  • Written by Leo Bukas
  • Published in Showbiz
  • Read: 405

SA press screening ng Kusina noong Agosto, pinagmalaki ng lead star na si Judy Ann Santos-Agoncillo ang naging epekto ng pelikulang ito sa kanya. 

“As you get older, naghahanap ka ng mga pelikula na magpapangiti sa puso mo… I’m so thankful na binuhay nitong Kusina  ’yung passion ko for acting,”  sambit ng aktres na dalawang taong nagpahinga sa showbiz.
   
Para masabi ito ng isang mahusay na aktres ay nangangahulugan lamang na de-kalidad ang pelikulang ito na handog ng Viva Films at Cinematografica.  Sa katunayan, ang Kusina ay naging nominado bilang Best Film sa Cinemalaya Film Festival.    
   
Ang Kusina ay tungkol sa buhay ni Juanita na ginugol ang buong buhay sa pagluluto.  Ito ay impluwensiya ng kanyang lola na siyang nag-alaga sa kanya nang mamatay ang kanyang ina sa panganganak. 
   
Hindi makakalimutan ni Juanita ang payo ng kanyang lola:  “Kapag nagluluto ka, lagi mong iisipin kung sinong pinagluluto mo.  Kapag nasagot mo na ’yan, alam mo na kung anong lulutuin mo.”
   
Sa paglipas ng panahon, iba’t ibang putahe ang hinahanda ni Juanita para sa kanyang ama, lola, asawa, mga anak, at mga kaibigan. 
   
Sa gitna ng lahat ng ito, makikita ang pagbabago ng kanyang relasyon sa bawat isa.  Ngunit habang abala siyang busugin at pasayahin ang iba, napagbibigyan rin ba ni Juanita ang kanyang sariling kagustuhan.
   
Sa ilalim ng direksyon nina Cenon Palomares at David Corpus, ang Kusina ay base sa  screenplay ni Palomares na nanalo ng grand prize sa 56th Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature noong 2006.
   
Si Gloria Sevilla ang gumaganap na lola ni Juanita, samantalang si Joem Bascon ang asawa niyang si Péles, at si Luis Alandy ay si Alejandro, ang isa pang lalaki sa kanyang buhay.
   
Palabas na ang  Kusina sa mga sinehan simula bukas, Nov. 9.