4,646 guests

Hangad namin ang iyong tagumpay

  • Written by Magi gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 206

Pointguard

MULI na namang sasabak sa lona ang tinagurian nating pambansang kamao na naging kasamahan din natin sa Kongreso na si Senador Manny Pacquiao.

Sa pagkakataong ito ay ang WBO welterweight holder na si Jesse Vargas ang makakasagupa ni  Sen. Pacquiao sa bakbakang magaganap sa Las Vegas.

Hindi man maingay ang labang susuungan ngayon ni Manny, nakatitiyak akong tututukan ito hindi lamang ng mamamayang Filipino kundi maging ng buong mundo at siyempre ng inyong likod.

Titigil sandali ang mundo ko, nating lahat sa oras na tumunog na ang kampana, hudyat na simula na ng kapana-pa­nabik na laban.

Bukod sa dalang excitement sa tuwing lalaban ang ating pambansang kamao na kilala rin sa tawag na Pacman, bitbit din ng bawat pagpanhik niya sa kuwadradong ring ang buong bansa. Dito naiiba si Pacman sa ibang boksingero sa mundo. Hindi lamang siya pumapanhik at nakikipagpalitan ng suntok para sa pansariling karangalan, para sa dadalhing pera ng laban. Nasa likod ni Pacman ang buong bigat ng bansa.

Dahil sa dami ng iniuwing karangalan ni Manny para sa ating bansa ay nagiging kaabang-abang ang bawat sinusuong na laban ni Manny na tiyak kong muling ipaparamdam nating mga Filipino at ng kanyang mga tagahanga sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
   
Isa kasing dahilan kaya’t hinahangaan itong si Senador Manny ay dahil hindi personal ang kaniyang bawat layunin sa pakikipaglaban.
 
Nagagawa niyang pag-isahin ang madla. Nagagawa niyang mapatigil hindi lamang ang trapiko at krimen, kung hindi maging ang rebel­yon sa sulok ng bansa.
   
Kung tutuusin, ma­aari naman siyang tumigil na sa pagbuboksing. Maaari na niyang ituon nang lubusan ang kani­yang atensiyon sa pagli­lingkod sa bayan bilang mambabatas. Maaari na siyang tumigil dahil may labis-labis na siyang na­patunayan bilang atleta, bilang alamat, hindi lamang sa atin kung hindi sa mundo ng sports.
   
Maaari na siyang tumigil sa pagbuboksing dahil sa nakamit niyang premyong salapi na kaa­kibat ng mga korona ni­yang natamo.
   
Maaari na siyang tumigil dahil nakamit na niya ang antas ng tagumpay na hindi pa matutularan ng kahit sinong boksingero sa kasalukuyang panahon: ang humawak ng walong korona at kampeonato sa iba’t ibang weight class.
   
Maaari na siyang tumigil dahil narating na niya ang kadakilaan sa kasaysayan ng boksing. Hindi na ito mabubura. Hindi na ito mababawi sa kaniyang pangalan at sa kasaysayan ng ating bansa. Pero hindi pa rin niya hinahayaang biguin tayo.

Tayo si Manny Pacquiao. Si Manny Pacquiao ang larawan ng bawat Pilipinong nagsisikap umahon buhat sa kahirapan. Si Manny Pacquiao ang larawan ng bawat isang may hangaring pag­lingkuran ang bayan na ito sa anumang paraang kaya nilang gawin. Si Pacman ang larawan ng Pilipinong hindi nalulunod sa tagumpay, hindi nagagapi ng pagsubok, palaging may takot sa Panginoon.
   
Ano man ang kalabasan ng laban, hindi na maiaalis kay Manny Pacquiao ang kakayahan niyang magbigay ng inspirasyon hindi lamang sa ating mga kababayan kung hindi sa mamamayan ng mundo.
   
Higit sa lahat ay tunay na hindi lamang world class athlete kung hindi world class individual si Manny.
   
Totoo, hindi man niya literal na marinig ang hiyaw natin sa kaniya, tiyak na ramdam na ramdam ni Manny Pacquiao ang pabaon nating dasal at hiyaw na magtutulak sa kaniya upang galingan pang lalo ang laban.
   
Kay Senador Manny, hangad ko at ng buong Pilipinas ang iyong ta­gumpay.