5,330 guests

Mag-ingat sa mga pekeng produkto sa online!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 214

'Uncovered'

EKSAKTONG 50 araw na lang ay Pasko na!

Nasisiguro kong lahat ng malalaking mall ngayon ay puro kantang Pa­masko na ang maririnig natin sa kanila. Kahit sa ilang AM at FM radio stations ay may maririnig na rin tayong Christmas songs, bukod siyempre sa uso at makabagong ‘genre’ ng musika.

Kabi-kabila na rin ang mga tindang pang-display ngayong Kapaskuhan -- mula Christmas lights, Christmas décor, kumukutitap na parol at pati na rin ang iba’t ibang imahe ni Santa Klaus.

Sigurado ako, ilang araw mula ngayon, karamihan sa mga may trabaho ngayon ay nagbibilang na kung kailan  makukuha ang kanilang ‘13th month pay at suwerte nang makakuha pa ng Christmas bonus bago sumapit ang araw ng Pasko.

Sila iyong mga may trabaho. Pero ang mga walang ‘hotrabs,’ tambay o ‘bum,’ ay nag-iisip na rin kung paano makakakuha kahit ‘survival job’ man lang bago mag-Pasko.
   
Ang masakit, iyong iba na walang makuhang trabaho ay itinatanim na sa isip nila, na wala nang Pasko!
   
Nasa 103 milyon Pilipino na ang kabuuang populasyon ng bansa at nasisi­guro kong mayorya sa atin ang wala pa ring regular na hanapbuhay dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nababasag ang mapanupil na sistemang ‘Endo’ o ‘end of contract’ na ipinangako noon ng Pangulong Duterte sa nakalipas na halalan.
   
Kung mayroon mang trabahong matatawag, sigurado akong mayorya pa rin sa kanila ang ‘underemployed’ o iyong mga may hanapbuhay nga ngunit mababa ang tinatanggap na sahod kada buwan.
   
Tuwing sumasapit ang Pasko, bahagi ng kultura ng Pinoy ang pagbibigayan. Bagong damit sa mga bata at ang walang kupas na ‘aginaldo’ kada Pasko.  Kasiyahan na  nating lahat ang ‘magbigayan’ ngayong Kapaskuhan -- mamahaling bagay man ito o mumurahin lang.
   
Masuwerte ang mga mayayaman kasi kahit hindi Pasko, sagana ang kanilang hapag kainan, pero ang mga hampaslupang kalahi ni Mang Juan ay buwenas nang magkaroon ng kahit ‘spaghetti’t hotdog’  may mapagsaluhan man lang sa inaabangang medya-noche ngayong Disyembre.
   
Siguradong lalong magiging halimaw ang daloy ng trapiko sa mga susunod pang araw dahil sa tinatawag na ‘Christmas rush.’ Asahan na rin natin ang pagkalat ng mga snatcher, mandurukot at holdaper.
   
Sana lang, maging maaayos ang gagawing pagbabantay ng ating kapulisan dahil na rin sa ‘Change is coming o change is happening’ na gustong ipakita at ipadama ng Duterte administration sa atin.
   
Kaya nga iyong ibang marurunong gumamit ng ‘computer,’ laptop, ‘tablets’ at ‘mobile phones’ ay nagta-tyagang mamili na lang ‘on-line.’
   
Maganda ang makabagong sistemang ito dahil hindi na nila kailangang makipagsiksikan pa sa mall, magpaulan o magpa-araw o sumagasa pa sa pesteng trapik.
   
Bukod kasi sa mga brand new, kahit segunda manong produkto ay mabibili mo rito. Mula damit,  relos, cellphone, appliances at kung anu-ano pa.
   
’Ika nga, hindi lamang SM Department Store ang may katagang ‘We got them all,’ ngayon dahil kaya na rin silang tapatan at talbugan  ngayon ng mga ‘online store.’
   
Sa puntong ito, gusto nating manawagan sa  pamahalaan, partikular na sa Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Internal Revenue (BIR), Intellectual Property Rights (IPR), National Bureau of Investigation, Philippine National Police (PNP), lalo na ang kanilang intelligence at anti-cybercrime community.
   
Ngayon pa lang kasi ay may mga pekeng produkto na tayong napapansin sa ibinebenta sa online.
   
Kahit sila mismo ay aamin na hindi nila kontrolado ang sinumang gustong mag-post at magbenta ng produkto sa kanilang online. Lalo na iyong mga may tindang segunda mano.
   
Pero tulad ng ilang sumbong sa Uber at Grab ngayon sa larangan ng public transportation, may malaking obligasyon sila para bantayan ang kanilang sariling site.
   
Kalokohan at hindi dapat tanggapin ang mga katwirang hindi nila ‘kontrolado’ ang mga manloloko dahil bilang may-ari o ‘administrator’ ng kanilang site, alam dapat nila ang kanilang responsibilidad.
   
Hindi naman siguro kailangan pang ipa-memorize sa kanila ang pangaral ni Uncle Ben na  tatay-tatayan ni Peter Parker, alyas Spiderman na: ‘Great power comes great responsibility.’
   
Kakaiba ang kapangyarihan ng social media ngayon kaya dapat, maging maingat, mapanuri at maging mahigpit ang sinumang gumagamit nito, gayundin ang sinumang nagtataglay ng kani-kanilang site.
   
Sabi nga, hindi lamang tayong end-users ang maging mapagbantay sa ilang katarantaduhan na idudulot nito, kundi sa mismong may-ari ng site. At dapat, may tunay na pamahalaang 24-7 ay magbabaston at maglalatigo sa mga kolokohan dito.
   
Panawagan na rin sa mga malalaking kompanyang naibebenta ang kanilang produkto sa online site.
   
Kayo po mismo ay dapat maging mapagbantay dahil sigurado ako, isa sa makapagpapabagsak sa inyong produkto ay mga ‘imitations’ o ‘dyapeyks’ ng inyong paninda.
   
Dapat ngayon pa lang ay masampulan na ang mga abusadong gumagawa ng matinding panloloko at raket sa mga online shopping media.
   
Isabay ko na rin sa panawagan ang ating local government units (LGU).
   
Alam kong usapin lamang sa ‘vendor’ ang pag-uusapan ngayong Kapaskuhan. Pero kayo mismong mga alkalde ay dapat ding manguna sa pagpapabantay, pagpapahuli at pagpapaaresto sa mga taong may tindang pekeng produkto.
   
Ang nangyayari kasi, harap-harapan na sa mga mukha ninyo na ang ibi­nebentang produkto sa inyong pamilihan ay wala naman kayong ginagawa para sawatahin ito. Kasi, sigurado akong may nakikinabang dito para tumanggap ng lagay, tongpats o tara kundi man araw-araw ay linggu-linggo.
   
Sabagay, hindi na rin natin masisisi ang ating mga kababayan na tumangkilik sa pekeng produkto. Likas na rin kasi sa ating lahat ang ugaling kolonyal na masabi lamang na ‘imported’ ang kanilang damit at kagamitan ay bibilhin ito dahil mura.
   
Kahit na sabihin na­mang mga peke sila!