4,737 guests

Huwag kaligtaan ang tunay na diwa ng Undas

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 299

MULI na naman nating gugunitain ang Undas o Araw ng mga Santo at Kaluluwa na sa ating mga Pinoy ay nagmimistulang reunion din ang dating dahil sa ganitong panahon lamang nagkakaroon ng pagkakataong magsama-sama mga magkakamag-anak na bihirang magkita.

Magandang pagkakataon para muling magsama-sama pero hindi dapat kalimutan na ang pagtitipong ito ay alay sa ating mga yumaong mahal sa buhay kaya sila pa rin ang dapat na sentro ng lahat.
   
Mahalagang sa pagtungo natin sa mga sementeryo, columbarium o saan man nakahimlay ang mga mahal natin sa buhay ay bitbit natin ang mga bagay-bagay na magpapaalala na ang espesyal na araw na ito ay para sa kanila at hindi sa ating mga nabubuhay na madalas ay excited na pumunta ng sementeryo para makita o makipaghuntahan sa ilang kaanak.
   
Unang-una, huwag nating kaligtaang magbitbit ng kandila at bulaklak bilang alay sa ating mga namayapang Mahal sa Buhay.
   
Kalakip ng mga dalang kandila at bulaklak ay huwag na huwag nating kaligtaang manalangin sa harap ng puntod ng mga yumao nating kaanak.
   
Ganitong sistema kasi ang nakagisnan nating mga Pinoy na sana ay manatili hanggang sa mga susunod na henerasyon.
   
Na sa kabila ng pagiging moderno ng ating panahon ay mahalagang binibigyan natin ng sapat na panahon ang ating mga yumaong mahal sa buhay.
   
Ang ganitong tradisyon ay magandang panatilihin dahil minsan ay nakalilimot ang  ilan na magpunta sa kani-kanilang puntod para gunitain ang Undas dahil sa iba’t ibang personal na kadahilanan.
   
Huwag sana tayong padala sa agos ng modernisasyon dahil kapansin-pansin na ang pagiging komersyo ng Undas.
   
Patunay dito na maging ang lahat ng mga mall at tindahan kung saan-saan ay nagde-decorate ng mga nakakatakot na bagay at tauhan kasabay ng paggunita sa Undas na mistulang sumasabay sa okasyon ng kahit na ng mga yumao sa hangaring madagdagan ang tumatamlay na kita sa negosyo.
   
Wala namang masama kung kasabay ng paglipas ng panahon ay nagiging moderno na ang paggunita natin sa Undas, basta huwag lang kakalimutan ang tunay na diwa ng Undas. Na ang Undas ay paggunita sa mga nauna na sa atin. Huwag kalimutang dumalaw sa kanilang himlayan at ipagdasal, na sa kanilang pamamaraan ay gabayan pa rin tayo sa buhay na ito.