5,064 guests

Triskelion Mayor Olivarez tumulong sa inter-frat project

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 442

SA tulong ni Triskelion Mayor Edwin L. Olivarez, nagsagawa ng isang malaking medical, dental, optical, veterinary, massage at school supplies giving project ang NAKABAKA (Nagkakaisang Kapatiran para sa Bayan at Kabataan) sa Barangay Don Galo, Parañaque City nitong Oktubre 15, 2015. 

Ang NAKABAKA ay binubuo ng limang pinakamalaking kapatiran sa Pilipinas, ang Alpha Kappa Rho, Alpha Phi Omega, Capazcepa, Scout Royal Brotherhood at Tau Gamma Phi.
   
Si Mayor Olivarez ay lehitimong miyembro ng Tau Gamma Phi at hiningan ng tulong ng inyong lingkod, dating Secretary-General ng Tau Gamma Phi, Metro Manila Regional Council (1979-80), kasama si Brod. Alex Tabilog (UST, Batch 1976), adviser ng Rotunda Culdesac, Sunvalley, Parañaque City chapter, noong Oktubre 3, 2016, upang maisagawa  ang project.
   
Bilang Triskelion (ang tawag sa mga miyembro ng TGP), matapos bigyan ng impormasyon tungkol sa NAKABAKA at mga proyektong ginagawa nito, hindi nagdalawang-isip si Brod Edwin at agad pinatawagan ang head ng Parañaque City Health Department upang magpadala ng mga doctor at dentista sa proyekto.
   
Natuwa si Brod Edwin at sinabing ang medical mission ay kauna-unahang inter-frat project sa Paranaque, kaya’t kailangang tulungan ng lungsod.
   
Idinagdag n’ya na dahil ang layon ng NAKABAKA ay pagsulong ng kapayapaan sa mga kapatiran, sa pamamagitan ng paggawa ng mga nasabing proyekto, susuportahan niya ang lahat ng mga proyekto nito sa syudad.
   
Ang project na tinawag na “Pagkalinga ng Kapatiran sa Bayan at Kabataan” ay nakatulong sa mahigit 1,000 residente ng barangay, na natingnan ng mga doctor, nabunutan ng ngipin, na-eksamen ang mga mata, nabigyan ng libreng salamin at gamot, namasahe, na-ineksyunan ang mga alagang aso at pusa at ang mga bata ay nabigyan ng libreng tsinelas at mga gamit sa eskwela. 
   
Ang nasabing proyekto ay pang-apat na ng NAKABAKA.
   
Ang una ay ginawa sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila, noong June 2015, na pinangasiwaan ng Scout Royal Brotherhood, sa tulong ng kanilang brod, ang artista at dating konsehal at ngayo’y Congressman Yul Servo.
   
Ang pangalawa ay ginawa sa Barangay 184, Maricaban, Pasay City, noong Agosto 2015, na pinangasiwaan ng Tau Gamma Phi, sa tulong ni Triskelion Brod Moti Arceo.
   
Ang pangatlo ay idinaos sa Santiago Covered Court, Balic-balic, Sampaloc, Manila noong May 2016, na pinangasiwaan ng Alpha Kappa Rho at tinaguriang “Pakikiisa sa Bagong Halal na Pangulo -- Rodrigo R Duterte.”

Ang pang-apat ay sponsor ng Capazcepa, sa pamumuno ng founder nito na si Engr. Ben Singanon, sa tulong ng opisina ni Triskelion Mayor Olivarez.
   
Tulong-tulong ang limang kapatiran sa lahat ng mga nasabing proyekto, toka-toka ika nga.
   
Ang mga doctor at optometrists ay mula sa APO at SRB, ang mga dentista at anesthesia ay mula sa TGP, ang veterinarian ay mula sa Akrho, ang pinamimigay na tsinelas at school supplies ay mula sa Capazcepa at ang mga gamot at salamin ay mula sa lahat ng frat.
   
Ang ibang pangangailangan at gastuhin ay parehas na pinagtutulungan ng limang kapatiran.
   
Minsan, nagkakasabay-sabay ang mga doctor, dentista at optometrists ng limang frat kaya’t mas marami ang natutulungan. 
   
Sa lahat ng mga nabanggit na proyekto ay hindi bumababa sa 1,000 ang natutulungan ng NAKABAKA.
   
Ang barangay chairman ng Don Galo, si  Chairman Michael “Haku” Factor at barangay secretary, Maria Leticia Busa, ang tumulong sa Capazcepa na maidaos ang proyekto sa kanilang barangay.
   
Sa karanasan ng inyong lingkod, ang mga magulang na may mga anak na frat men ay madalas natutuwa at nagpapasalamat sa amin, dahil iwinaksi na raw namin ang rumble o dating kaguluhan at hindi pagkakaintindihan at pinalitan ito ng pagkakaisa sa pagtulong sa mga nangangailangan.
   
Ang wika nga ng isang magulang, na nagpatingin sa mata at nabigyan ng libreng salamin, nabawasan ang takot niya sa kaligtasan ng anak na fratman, sapagka’t ang kapatirang sinalihan nito’y nakita niyang kalahok sa proyekto at ang kanyang anak ay isa sa mga nagbigay tulong sa kanilang barangay.
   
Proud na siya sa frat man na anak niya.
   
“Kung ganito ang mga kapatiran ay papayagan kong pumasok ng frat ang iba kong anak,” ang sabi ng isang tatay, na nagpakunsulta sa karamdaman at nabigyan ng mga gamot para sa kanyang kagalingan.