7,899 guests

Dingdong, walang time sa sex

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 670

Pagod, super-busy at laging puyat these days si Dingdong Dantes pero ang lahat ng ito ay sulit para sa Kapuso Primetime King dahil sa ngayon ay umaani ng napakagagandang feedbacks at mataas na ratings ang kanyang action seryeng Alyas Robinhood sa primetime.
   
“Sulit-pagod talaga sa lahat,” aniya nang makau-sap namin siya sa taping ng Alyas Robin Hood. “Pa-rang lahat ng pahinga nu’ng first half of the year, binawi talaga ngayon.”
   
Halos araw-araw ngayon ay may trabaho si Dong dahil lagare siya sa soap at sa pelikula niya sa Star Cinema na Unmarried Wife with Angelica Panganiban and Paulo Avelino.
   
“’Yun lang, may mga sakripisyo talaga, like ’yung oras ko sa bahay talaga, nabawasan talaga. Mabuti na lang, malapit na ang Pasko, so, looking forward ako du’n na kahit paano, magkaroon ng tuluy-tuloy na oras with the family.
   
“Pero ’yun, gaya ng sabi ko naman kanina, nabawi siya nu’ng unang half ng year, eh. Nakabawi naman ako sa kanila, ’yung oras ko, nilaan ko talaga sa mag-ina ko (Marian Rivera and baby Zia), eh, panahon naman ngayon para kumayod para sa pamilya.”
   
Pero kahit naman daw super-busy siya ngayon, sinisiguro naman daw niyang makita si baby Zia at makipaglaro rito bago siya umalis.
   
“Kahit anong pagod at puyat, sinisiguro ko na talagang mayroon kaming oras sa isa’t isa.”
   
At kahit wala siya sa bahay, nagvi-video chat naman daw sila ni Zia o di kaya ay Facetime kung saan ay nakikita niya pa rin ang anak kahit nasa trabaho siya.
   
Sa Nov. 23 nga ay magdaraos na ng kanyang first birthday si Zia pero ayon kay Dong, wala raw silang bonggang party para sa anak.
   
“Hindi kami magpa-party sa kanya nang bongga. Madalas ’di ba, kapag first b-day, eh, ’yon ’yung talagang engrandeng ano, pero para sa kanyang unang kaarawan, gusto namin family lang, ’yung immediate family and mag-celebrate lang nang konti. Kakain, basta magsasama-sama. Hindi na kami makakapag-imbita ng mga kaibigan dahil magiging malaki talaga siya (na party) and para sa amin, we want to keep it simple,” pahayag ni Dong.
   
Sa ngayon daw kasi ay hindi pa naman ma-appreciate ni baby Zia kung bibigyan nila ang bagets ng engrandeng party.
   
“Ang celebration naman talaga ay para sa kanya and maganda ’yung siya talaga ang maging pinakamasaya sa araw na ’yun. Eh, sa kanyang unang kaarawan, hindi pa naman niya talaga malalaman na may party para sa kanya. Although sa pictures, makikita niya (paglaki).”
   
Actually, sa pamilya pa lang nila ni Marian ay nasa 100 katao na raw kaya paano pa kung mag-iimbita pa ng outsiders?
   
Kailan naman nila su-sundan si baby Zia?
   
“Siyempre, ano ’yan, eh, bigay ng Panginoon, so kami, nagiging mga mabuting anak ng Diyos, bahala na Siya magbigay. Basta nu’ng kinasal kami, ang purpose talaga namin is to build a family so it goes with that.”
   
Pero gusto na ba nilang magkaroon ng isang baby ngayon?
   
“Siguro, if given the choice, palakihin nang kaunti si Zia para medyo ma-enjoy talaga namin ’yung time with her.”
   
Pero tina-try na ba nilang magkaroon ng another baby ngayon?
   
Natawa si Dong. “’Yung Mondays-Wednesdays-Fridays ko, Alyas Robin Hood, Tuesday saka Saturday, pelikula (The Unmarried Wife), Thursday, sa opisina sa YesPinoy (Foundation), tapos ’pag Sunday ako nag-aalaga dahil si Marian nasa Sunday PinaSaya, so saan do’n (isisingit gumawa ng baby)?” sey ni Dong sabay-tawa.

* * *

Tuluyan na ngang nagpakatotoo sa kanyang damdamin si Ali (JC Santos) matapos siyang mabisto ng kanyang ama tungkol sa tunay niyang pagkatao sa Till I Met You.
   
Bumuhos ang matinding emosyon sa pag-amin ni Ali sa kanyang amang si Greggy (Robert Seña) nang aminin nito na siya ay bakla. Dahil naman sa galit at pagkadismaya, pinalayas ni Greggy si Ali at sinabihang hindi siya matatanggap nito. Sa kabila nito, agad na sumaklolo ang mga kaibigan niyang sina Iris (Nadine Lustre) at Basti (James Reid) at sinamahan siyang harapin ang kanyang pinagdaraanan.
   
Maraming naka-relate na mga bading sa eksenang ito dahil tinalakay ng serye ang numero unong problemang nae-encounter ng mga tulad nila at ito ay ang acceptance ng pamilya.
   
Samantala, JC is now called the man of the hour dahil sa instant success na tinatamasa niya ngayon because of TIMY. Ang laki agad ng inakyat ng kanyang popularidad simula nang mapanood siya sa nasabing serye.