4,951 guests

‘Sudden unintended acceleration?’

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 320

SA kanyang pahayag kahapon, “nalulungkot” at “nagagalit” umano si Chief PNP Bato dela Rosa, sa nangyaring “pananagasa” nitong si PO3 Franklin Kho ng “Manila’s Finest” sa mga raliyista sa harap ng ‘US Embassy’ noong Miyerkules.

Bago ang kaguluhan, “nadaanan” ko pa ang nasabing kilos-protesta na dinaluhan ng wala pang 1,000 katao, habang papunta naman ako sa National Press Club.

Sa nangyari, “kanya-kanyang” ‘version’ na siyempre kung sino ang “nagsimula” at sino ang “may kasalanan,” partikular na sa hanay ng ating kapulisan sa pangunguna ni MPD Deputy Director for Operations, Col. Marcelino Pedrozo.
   
At dahil sanay magpalusot, agh, sanay magbigay ng katwiran, “kasalanan” ng mga raliyista kung bakit nagkagulo. Kumbaga, “sila” ang nagsimula ng lahat.
   
’Yun nga lang, ‘trending’ na sa ‘social media’ ang pangyayari, kasama na ang utos ni Col. Pedrozo na buwagin ang protesta sukdulang “magkagulo na kung magkagulo” dahil “nahihiya” siya sa mga Amerikano (US Embassy). ’Yun naman pala, mga bosing. “Nakakahiya” kay ‘Uncle Sam,’ hehehe!
   
Sa ngayon ay ‘grounded’ na si Pedrozo at kanyang mga tauhan habang isinasagawa ang imbestigasyon na ipinag-utos ni Chief PNP Bato. Kung ano ang magiging pinal na resulta, abangan na lang natin, mga kabayan.

* * *   

Sa umpukan naman ng ilang media at mga miron noong gabi ng Miyerkules, habang muling pinapanood ang ‘video clip’ ng insidente, “malinaw” ayon sa mga miron, na “walang kasalanan” itong si PO3 Kho!
 
Dangan kasi, “kitang-kita” sa video na ito ay kaso ng ‘unintended sudden acceleration,’ ganern?!
   
Aber, kung matatandaan, noong isang taon, sa ganitong bintang ng ABS-CBN muntik nasira ang pangalan at reputasyon ng ‘Mitsubishi Motors’ sa kanilang sikat na ‘Montero,’ hindi ba?
   
Hindi ba ilang beses ipinakita noon ang mga modelo ng Montero na “bigla” na lang “umaarangkada” pasulong at paatras?
   
Eh, sa ‘video clip’ na nangyari sa US Embassy, ano ba ang nakita ng lahat, hindi ba ’yung ‘police vehicle,’ pasulong at paatras ng ilang beses? Oo nga naman, hihihi!
   
Sa ganitong “lohika” at argumento, ano nga naman ang kasalanan ng pulis kung sadyang “depektibo” ang mga biniling sasakyan ni PNoy at Mar Roxas para sa ating PNP noong panahon nila, ahahay!
   
Kaya nga, kung meron dapat umanong imbestigahan, aba’y hindi itong sina Pedrozo at Kho bagkus, si PNoy at Mar Roxas, sa kanilang pagbili ng mga sasakyan na depektibo umano dahil sa ‘sudden unintended acceleration,’ bwahaha!

* * *   

Pero usapang seryoso na tayo, mga kabayan.
   
Mayroon namang “naghihinala” na ang nangyari sa US Embassy ay “bahagi” ng patuloy na ginagawang destabilisasyon ng ilang grupo sa administrasyon ni Pang. Rody.
   
Puwede raw kasing ihalintulad ang nangyari sa sitwasyon sa mga unang buwan ni Pang. Cory Aquino kung saan “malapit” din siya noon sa mga “maka-kaliwang grupo” at nasimulan pa nga ang ‘peace talk’ sa pagitan ng gobyerno at mga komunista.
   
Katulad ngayon ni Pang. Rody, may mga ‘Leftist’ din noon sa Gabinete ni Tita Cory. At ano nga bang sumunod na nangyari?
   
“Minasaker” ang mga magsasakang humihingi ng ‘land reform’ sa tulay ng Mendiola noong Enero 27, 1987. Dalawampu’t dalawa katao ang namatay dito.
   
Kasunod nito, napilitan na rin si Tita Cory na sibakin ang mga progresibo niyang opisyales dahil sa mga inilunsad na kudeta ng militar at wala nang nangyari sa peace talk.
 
Ngayon naman, tuluy-tuloy ang peace talk, may mga progresibong opisyal sa gobyernong Digong at pinag-uusapan na ang pagpapalaya sa mga ‘political prisoner’ na isa rin sa mga unang ginawa ni Tita Cory.
   
Ano ang sumunod na nangyari? Eh di… noon ngang Miyerkules “inararo” ng mga pulis ang mga raliyista sa US Embassy na karamihan ay mga magsasaka at mga katutubo.
   
Tanong: Ang nangyari ba sa US Embassy ay totoong “walang may kagustuhan” o, “patikim” ito ng mga susunod pang mga madudugong insidente upang “biyakin” ang nabubuong “alyansa” ngayon ng gobyernong Duterte at mga progresibong grupo kasama na ang mga komunista?

* * *   

Kapansin-pansin din sa atin na habang gumagawa ng hakbang si Pang. Rody na pabor sa hanay ng media katulad ng pagbuo niya sa ‘Presidential Task Force on Violations of the Right to Life, Liberty and Security of the Members of the Media’ sa bisa ng Administrative Order No. 1, may mga elemento ng PNP na walang pakialam at walang pakundangan kung “sagasaan” at “bastusin” ang mga mamamahayag.

   
Dalawang halimbawa dito ay ang sinapit ni kasamang Olan Bola ng DZBB/GMA na hinuli, pinosasan at kinasuhan pa ng Antipolo PNP ng ‘obstruction of justice’ -- habang ginagawa ang kanyang trabaho bilang mamamahayag noong Miyerkules ng madaling araw.
   
Eh, kailan pa naging ‘obstruction of justice’ mga kabayan, ang ‘mag-interview’ sa mga nabiktima ng ‘hit-and-run’ at kunin ang kanilang mga pangalan?
   
(Sa “galing tumahi” ng kaso nitong Antipolo PNP sa katauhan ni PO2 Stephen Puruganan, panahon na siguro para amyendahan ang ‘Revised Penal Code’ at ‘Rules of Court’ para maisama sa mga probisyon nito ang mga argumento nitong nasabing pulis na ito).
   
(Dapat din marahil, NPC director Alvin Murcia, na bigyan ng ‘Vulcaseal Award’ si Antipolo COP, Supt. Ruben Andiso, dahil sa ginawa niyang “pagtapal” sa aksyon ng kanyang pulis).
    
Isang araw bago ito, “hinablot” ang dala niyang ‘camera’ at binantaan din ng mga elemento ng Sta. Cruz, Laguna PNP si kasamang Dick Garay, habang nagku-cover sa isang insidente ng “RIT” (riding-in-tandem) sa Sta. Cruz, kung saan dalawang biktima ang napatay.
   
Si kasamang Dick ay pangulo pa naman ng Camp Paciano Rizal Press Corps pero tila walang pakialam sa kanyang posisyon ang mga naturang pulis. ‘Media??!’ “Wala ’yan, aguy, aguy!
 
Noon pang Miyerkules ay inuna na nating ilabas sa FB ang mga nangyaring ito, sa paniwalang may magiging positibong aksyon ang liderato ng PNP.
   
At natutuwa naman tayo, kasamang Non Alquitran, na katahimikan -- nakabibinging katahimikan -- ang tugon sa atin ng Camp Crame at ni PRO4-A regional director, Chief Supt. Valfrie Tabian, kaya wala na tayong masasabi kundi... Mabuhay kayo, mga bosing!