6,571 guests

Oplan biguin si Digong

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 305

HABANG lumalawig ang administrasyon ni Pangulong Duterte, mas umiigting ang mga kritiko at mga oplan laban sa kanya.

May mga isyu ng pagpapalaki sa mga nangyayaring extrajudicial killings, may banta ng destabilisasyon, may ugong ng kudeta, imbitasyon ng people power nang walang invitation card at international pressure.

Magmula nang magkaisip tayo sa pulitika, ngayon lang tayo nakakita na tatlong buwan pa lang nakakaupo ang nanalong  Pangulo, gusto na agad patalsikin ng mga pangkat na natalo.
   
Alam nating lahat na hindi nagmula sa malaking angkan ng pulitiko si Duterte, alam din natin na isa lang siyang “promdi candidate” na hindi kilala sa buong bansa. Walang malaking partido, walang malaking pondo, walang sariling lineup ng mga kandidato sa lokal at nasyunal na position.
   
Technically, nag-umpisa si Digong mag-isa lang, kandidato ng kanyang sarili at walang suporta mula kung saan-saan. Kung ikukumpara sa kanyang mga nakalaban, alam na natin kung ano ang pinagmulan nila at kung gaano kadambuhala ang kanilang resources.
   
Pero nang matapos ang eleksiyon, ang lahat halos ng puwersa ng publiko ay bumuhos para kay Duterte. Nagulantang ang buong political arena ng bansa dahil may isang outsider ang nakasungkit ng pagkapangulo.
   
At hindi ako magtataka kung ang mga may election war shock na mga politiko ay matagal napatulala dahil sa naging resulta ng eleksiyon.
   
Kaya nga hindi rin ako magtataka kung ang mga tulala na ito ang nasa likod ng mga propaganda para wasakin ang administrasyon ni Duterte.
   
Ang nakikita nating dahilan dito,  simple lang, hindi sila papayag na magtagumpay si Digong sa kanyang mga programang walisin ang lahat ng adik, ikulong ang mga kriminal at wakasan ang katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan. Dahil lahat ng ito ay hindi nila nagawa.
   
Araw-araw nagdarasal ang mga ito na mabigo si Digong sa kanyang mga plano para ayusin ang sinalaula nilang bayan dahil alam nila na ang long-term effect ng tagumpay ng administrasyon ay mabubura na sila sa mga susunod na eleksiyon.
   
Ilang beses na ba nating sinubukang pagkatiwalaan ang mga trapo at mga alyas santo sa Palasyo? Magmula nang matanggal ng People  Power si Marcos noong 1986, may nagawa ba silang  maganda para sa bayan?
   
Ang totoo, ang worst administration ay sa ilalim ni Noynoy dahil doon natin nakita ang pinakamalubhang sitwasyon ng bansa.
   
Sinong mag-aakala na mga heneral, alkalde, pulis, militar, prosecutor, gobernador, mayor at mga matataas na opisyal ng gobyerno ay sila mismong mga drug lord?
   
At sinong mag-aakala na ang Bilibid na sentrong bilangguan ng bansa ay sentro rin pala ng drug trade?
   
Sobrang kapal na lang ng mga mukha ng mga taong nagtatangka pang pabagsakin si Duterte matapos mabunyag ang kanilang mga kawalanghiyaan sa nakaraang anim na taon.
   
Hindi nga kasi sila makapaniwala na may isang darating na Pangulo na puputol sa lahat ng kanilang mahabang panahon na kalokohan.
   
Sila iyong sektor na nagtutulung-tulong ngayon na siraan ang administrasyon dahil kapag nga naman nabigo si Digong na linisin ang bansa, may dahilan na naman silang makabalik sa posisyon.
   
Sa totoo lang, sobrang tapang na lang ng apog nila kapag sa 2019 at 2022 ay maisipan pa nilang kumandidato matapos nilang babuyin ang bansa.
   
Dapat kasi may death penalty na rin sa mga politikong makakapal ang mukha para matapos na ang sumpa ng bansa.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.