8,026 guests

Anomalya sa Pasay gov’t, PRA at SM MOA accord, hinahalukay ng DILG!

  • Written by MArlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 830

'Uncovered'

MAINIT-INIT pa ang dokumentong ating natanggap!

Pinagpapaliwanag kasi ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Ismael ‘Mike’ Sueño sina Pasay City Mayor  Antonio ‘Tony’ Calixto, Vice-Mayor Noel ‘Boyet’ del Rosario at 13 pang city councilors kung bakit hindi sila dapat kasuhan sa umano’y multi-billion peso na anomalya sa kontrata na pinasok ng pamahalaang lungsod sa pagitan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) at SM Land Inc. (SMLI).

Labinlimang-araw ang ibinigay na palugit ng DILG para sagutin nina Calixto ang ‘show cause order’ na ipinadala sa kanilang tanggapan ngayong Biyernes, Oktubre 7.

Isang assistant secretary mula sa DILG ang ‘hilong talilong’ na rin ngayon para subukang pagtakpan ang nasabing anomalya, ngunit desidido ang tanggapan ni Sueño na magkaroon ng linaw ito sa lalong ma­daling panahon -- lalo’t hindi lamang giyera kontra droga ang kampanya ng Duterte administration kundi pati na rin ang maigting na digmaan naman laban sa mga tiwali at corrupt na opis­yales ng pamahalaan.

Bukod kina Mayor Calixto at Vice-Mayor Del Rosario, kasama sa pinagpapaliwanag ang anak ng alkalde na si  Konsehal Mark Anthony Calixto at Councilors Jerome Martin Advincula, Ma. Antonia C. Cuneta, Alberto C. Alvina, Ricardo E. Santos, Consertino Santos, Arnel Regino T. Arceo, Allan Panaligan, Editha Y. Manguerra, Jose C. Isidro, Jr., Donnabel M. Vendivel, Aileen C. Padua, at Noel P. Octavo.

Sa dokumentong nakalap ng ‘Uncovered,’ noong Hulyo 7, 2016, lumagda sina Mayor Calixto at Peter Anthony Abaya, general manager at chief executive officer ng PRA, ng memorandum of agreement para sa pag-reclaim sa 60 ektaryang ‘foreshore and submerged island’ ng Manila Bay.
   
Aabot sa P54.4 billion ang naunang halaga ng proyekto sa 300 ektarya at kung isusuma ang panibagong 60 ektarya na ire-reclaim mula sa baybayin ng Manila Bay, posibleng karagdagang P10 billion ang nakapaloob na kuwestiyunableng halaga.
   
Sa MOA ng Pasay City government at PRA, naka-peg ang halaga ng lupa sa presyong P65,000 kada metro kuwadrado, samantalang ang bilihan na ngayon ng lupa sa Macapagal Blvd, ay hindi na bababa ng P85,000 per square meter. Dito pa lang ay may naaamoy nang anomalya ang DILG.
   
Ang siste, nagpasa ng Resolution No. 3770 s 2016 ang Sangguniang Panglungsod para pagtibayin ang nasabing MOA nina Calixto at Abaya noong Hulyo 25 ng taong kasalukuyan.
   
Noong araw ding iyon, ipinasa  ang Resolution No. 3771 s 2016 ng Konseho para ikober ang naunang kontrata sa 300 ektarya ng ‘foreshore’ at ‘offshore areas’ sa harap ng Mall of Asia Complex, CCP, FCA mula sa Redemptorist Channel hanggang norte sa bisinidad ng Gloria Maris Restaurant. Gagawin anila itong commercial, residential at tourism estate.
   
Kinukuwestiyon ngayon ng DILG kung bakit naisama sa ‘10th whereas clause’ ng Reso 3771 na ang nakasaad ay:
   
“WHEREAS, the criminal and administrative cases instituted in the Ombudsman regarding the procedure undertaken by the City Government of Pasay as regards the reclamation of the three hundred (300) hectares project was already dismissed with finality.”
   
Samantalang ayon sa DILG, hindi pa raw ito dismissed sa Ombudsman.
   
Marso, 2014 kasi nang magsampa ng kaso sa Ombudsman ang isang nagngangalang Vivencio Fernandez laban kina Calixto, et al dahil sa P54.4 billion project.
   
Ginamit nitong basehan ang hinaing ng Ayala Land Inc. at S & P Construction Technology na maraming kapalpakang teknikal sa pinasok na kontrata dahil bukod sa hindi ito dumaan sa masusing pag-aaral at pagsaliksik, mistulang ‘lutong makaw’ din ang naganap na bidding.
   
Reklamo pa ng Ayala Land at S & P Construction, masyadong mataas ang P5 billion na ‘bid price’ na 33 ulit umano ang laki sa itinatadhana ng Build Operate Transfer (BOT) Law.
   
Nagkaroon ng ‘flip-flopping’ sa mga naunang Sanggunian Resolution 3020, 3046 at 3049 na naging batayan para pasimulan ang transaksiyon sa kontrata dahil matapos itong bawiin noong Disyembre 4, 2013 ay muli itong ipina-recall dalawang araw bago mag-Pasko noong taon ding iyon.
   
Habang isinusulat ko ito ay wala pa tayong naririnig na tugon mula sa grupo ni Calixto. Bineberipika pa rin natin kung totoo ngang ‘dismissed’ na ang naunang ikinaso sa kanila sa Ombudsman, pero sakaling hindi totoo, malaki tiyak ang pananagutan ng buong Sangguniang Panglungsod.
   
Sakaling makitaan ng pagkakasala, hindi lamang sina Calixto at Del Rosario ang masususpinde at masasampahan ng kasong kriminal at administratibo kundi kasama nila ang buong konseho.
   
Wipe out ang mangyayari kung sakali at antayin natin ang kalalabasang resulta ng imbestigasyon ng DILG sa mga susunod na araw.
   
Tandaan natin, wala pang nasasampulan ang Pangulong Duterte patungkol sa ‘maanomalyang kontrata’ sa pamahalaan.
   
Kapag nagkataon, magiging una ang paglatigo ni Digong sa mga opisyales sa Pasay!