4,666 guests

Passport scam: ‘Threat to national security’

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 281

Paul's Alarm

NOONG buwan ng Agosto, “sumabog” ang ‘Philippine passport scandal’ kung saan “pinagkakape­rahan” pala ang ‘Haj passport’ ng ating mga kababayang Muslim ng mga tiwaling opisyales sa ‘National Commission on Muslim Filipinos’ (NCMF) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang “papuri” siyempre, ay dapat nating “ipaligo” dito kay BI Commissioner Jaime Morente at BI Intel chief, Charles Calima, na siyang nasa likod ng pagpapatigil sa operasyong ito ng ‘joint syndicate’ d’yan sa NCMF at DFA.

‘And ever the modest man that he is,’ wika nga, kasama sa kredito, para kay ‘Sir Charles’ ang mga kasapi ng media. Aniya pa, “inaksyunan” lang ng BI ang lumabas sa mga pahayagan, partikular na dito sa People’s Tonight, hinggil sa ‘P200 million passport scam’ noong nakaraang Agosto.

Kung dapat “buhusan ng papuri” itong sina Comm. Morente at Calima, dapat din nating bigyan ng kredito si Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu na agad ‘nag-file’ ng ‘House Resolution 258’ upang “matalupan” nang husto ang eskandalong ito.

Sa ganang atin, tum­pak din ang kanyang obserbasyon na ‘threat to national security’ (banta sa ating pambansang seguridad) ang buong pangyayari.
   
Mantakin naman kasi, mga kabayan, kahit mga dayuhan, partikular na ang mga Indonesian at Malaysian (at marahil marami pang ibang ‘foreign national’) ay may ‘regular Philippine passport,’ sanamagan!
   
Eh, alam ba ninyo mga kabayan, na sa ‘global watch list’ ng mga terorista, partikular na ’yung mga miyembro ng ‘Jemaah Islamiyah’ (JI) at “ISIS,” ay mga Indonesian at Malaysian?
   
At dahil “pera-pera” lang ang “prinsipyo” ng mga korap d’yan sa NCMF at DFA, hindi malayong posibilidad na kasama sa mga “nakinabang” sa kanilang raket ay ang mga teroristang ito.
   
Pansinin na kamakailan, sinabi ni Pang. Digong na “mayroon” nang mga miyembro ng ISIS sa ’Pinas.
   
Eh, siguro, Mr. President, dapat mo ring tanu­ngin ang NCMF at DFA kung “saan” nanggaling ang pasaporte ng mga ito batay sa paniwala na “labas-pasok” sila sa ’Pinas dahil nga sila ay mga “Pilipino” batay sa kanilang mga pasaporte.
   
Sa “tindi” ng implikas­yon sa ating bansa ng raket na ito, dapat lang talagang maimbestigahan na.
   
’Yun nga lang, Cong. Mangudadatu, anyare na? May imbestigasyon pa ba o hanggang ‘press release’ na lang ang iyong resolusyon?
   
MGA ‘SECRET MILLIONAIRE’ SA DFA AT NCMF
   
Kung sobrang “pikon” ang ating mga senador katulad ni Sen. Ping Lacson at Sen. Manny Pacquiao matapos silang “tuwaran” ayy, “takasan” nitong si fake hitman, agh, alleged Davao Death Squad hitman Edgar Matobato (sa “tulong” ni Sen. Sonny Trillanes) sa huling pagdinig ng Senado noong Lunes sa isyu ng ‘EJK’ dahil sa paniwalang “binastos” ni Matobato ang Senado, hindi ba mas dapat silang mabuwisit at mapikon dito sa ‘Philippine passport scam?’
   
Bukod sa isyu ng terorismo, ang “nababoy” nang husto sa katarantaduhang ito ay ang ’Pinas, mismo -- dahil lang sa pagiging “gahaman” ng mga opisyal sa DFA at NCMF.
   
Aber, naniniwala ba kayo, dear readers, na sa labas ng ating bansa, hindi “putok” ang “balita” na kahit sino -- terorista man o puganteng kriminal -- basta may pera, makabibili ng pasaporte ng ’Pinas na parang “kendi” lang dahil “naglipana” ang mga ‘corrupt’ sa DFA?
   
Ayon pa sa ating mga kaibigan sa BI, “matagal” na umano ang raket na pagbebenta ng ating pasaporte partikular sa mga Muslim sa ibang bansa katulad ng Indonesia at Malaysia.
   
Posible umano itong nagsimula sa mga huling taon pa ni FVR nang maipasa ang RA 8239 o ang ‘Philippine Passport Act of 1996’ kung saan sa “IRR” (implementing rules and regulations) “nai­singit” ang pagkakaroon ng ‘Haj passport’ --  kahit wala naman ito sa probisyon ng nasabing batas.
   
Sa atin pang nalaman, “package deal” sa halagang US$10,000 hanggang US$12,000 ang “usapan” para makakuha ng pasaporte d’yan sa DFA at makarating sa Mecca, Saudi Arabia, ang isang aplikante para sa ‘Haj.’
   
At dahil daan-daang libo na ang mga “Muslim” na nakinabang sa raket na ito sa loob ng napakahabang panahon --  mula kay FVR hanggang kay PNoy --  aba’y hindi malayong marami nang ‘secret millionaire’ sa hanay ng mga opisyales ng NCMF at DFA!
   
Sa madaling salita, hindi katanggap-tanggap at hindi kapani-paniwala ang narinig nating pagpipilit ng ilang kurimaw, agh, opis­yales, d’yan sa DFA, na ang eskandalo ay “kasalanan” ng ilang hamak na ‘contractual’ sa departamento.
   
Contractual’ lang sa trabaho, “malakas ang loob” magbenta ng pasaporte nang hindi alam ng kanilang mga “bosing” sa DFA? Eh, sino naman ang ungas na maniniwala sa “linyang” ito, aber?
   
At harinawa naman, NBI director Dante Gierran, hindi “naareglo” ng mga ‘suspect’ ang iyong mga bataan na inatasan mong mag-im­bestiga sa bagay na ito. Sapul kasi ng hawakan ng NBI ang kasong ito, wala na tayong “narinig” na umusad pa ang imbestigasyon.
   
Sa ganang atin naman, mas mapapabilis ang im­bestigasyon at resolusyon sa eskandalong ito kung uunahin nang “balatan nang buhay” ni Pang. Rody ang mga sangkot na opis­yales d’yan sa NCMF at DFA dito sa ‘passport scandal.’
   
Bukod kasi sa nagkakamal sila ng limpak-limpak na salapi sa gawain nilang tiwali, inilalagay pa sa kahihiyan at bangis ng terorismo ang buong ’Pinas. Do you agree, NCMF Sec. Yasmin Busran-Lao?
   
Madam, wala ka pa rin bang balak ‘mag-resign’ sa kabila ng napakalaking kahihiyang ito?
   
Huwag na ’yung ‘appointee’ ka ni PNoy at matagal na ang utos ni Pang. Rody na ang mga katulad mo ay dapat matagal nang umalis sa puwesto.
   
‘Delicadeza’ po ang tawag dito, hane?