7,624 guests

2 pulis na nakipag-selfie kay Mark Anthony kakasuhan?

  • Written by Zaida Delos Reyes-Palanca
  • Published in Top Stories
  • Read: 862
Ang kontrobersiyal na selfie na nag-viral agad matapos i-post online. Facebook Ang kontrobersiyal na selfie na nag-viral agad matapos i-post online.

MAY posibilidad na kasuhan ang dalawang babaing pulis na nakipag-selfie kay Mark Anthony Fernandez dahil sa kanilang ugaling hindi naaayon bilang mga opisyal ng pulisya.    Ito ay nakita ni  PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ’di wasto pero naunawaan niya ito.

Sinabi ng Chief PNP na ipinakita sa larawan na ang ilang pulis ay may ‘double standards’ sa pagtrato sa mga  criminal. Kapag may inaresto silang karaniwang criminal ay  direktang  ikukulong kaagad pero kapag naaresto ay isang aktor o aktres, nagpapakuha sila ng litrato kasama ito.

Bagama’t galit ang  Chief PNP sa larawan, sinabi rin niya na nauunawaan niya ang kanyang  policewomen at sinabi niya na tao din sila at  nangingibabaw ang kanilang pagi­ging babae kaysa sa pagiging pulis.

Sinabi ni Bato na hihingan niya ng paliwa­nag ang mga babaing pulis at isasangguni ang naturang bagay sa  Internal Affairs Service (IAS) ng PNP.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Bato ang lahat ng  pulis ’di lamang ang dalawang  policewomen na ipatupad nang tama ang batas,  dakpin ang mga suspek at maging focused sa kanilang trabaho.

Sa parte ni Police Regional Office (PRO) 3 director Chief Supt. Aaron Aquino, sinabi nito na  wala siyang nakitang mali sa aksiyon ng kanyang  policewomen pero pagsasabihan sila.
   
“Walang violation, but pagsasabihan ko sila na hindi proper magpa-picture sa isang suspect. Nagkataon lang naman kasi celebrity ’yung suspect, hindi naman nila ’yun sinasadya,”  sabi ni Aquino.

Walang  VIP treatment
   
Tiniyak kahapon ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila bibigyan ng VIP (Very Important Person) treatment si Fernandez na naa­resto noong Martes ng umaga sa  Pampanga dahil sa  illegal possession ng halos isang kilo ng tuyong dahon ng  marijuana.
   
Sinabi ni PNP spokesman  Senior Supt. Dionardo Carlos na si Fernandez ay tatratuhing tulad sa isang karaniwang tao na inaresto sa paglabag ng batas.
   
Sinabi niya na ang ginawang pag-aresto kay Fernandez ay ka­tulad sa kanilang ginagawang pag-aresto sa karaniwang tao na lumabag sa batas.
   
“We will be strict on that, we will not give special treatment. He will be treated like he or she violated the law. ’Yung procedure natin sa pag-aresto, sisiguruhin ang kanyang karapatan at ’yung pagsampa ng kaso ay masusunod  ’yung what is the process, the established process,” sabi ni Carlos.
   
Magugunita na si  Fernandez ay inaresto noong madaling araw ng Martes sa   Angeles City, Pampanga, sa isang checkpoint.
   
Nagmamaneho si Fernandez ng kanyang dilaw na Mustang nang siya ay parahin ng mga pulis sa checkpoint..
   
Tinangkang tumakas ng actor pero siya ay nasukol at inaresto.
   
Narekober sa kanyang kotse ang isang bag na naglalaman ng isang kilong tuyong dahon ng  marijuana.