5,459 guests

Kaunting hilot na lang nina Alcaraz at Estrella

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 332

MABUTI naman at nagkaroon na ng pag-uusap sa panig ni Commissioner Nicanor Faeldon at Bureau of Customs Employees Association (BOCEA), na pinamumunuan ni Rommie Pagulayan, kaugnay ng usaping Collective Negotiated Agreement (CNA). 

Ayon sa ating miron, ang nagsilbing  “tulay” sa nasabing dialogue ay ang ating kaibigang si OIC-Enforcement Group Arnel Alcaraz at Intelligence Consultant Neil Estrella, dating spokesman ng Philippine Marines. Bagama’t wala pang konkretong resulta, maraming umaasa na maaayos kaagad ang ilang bagay upang tuluyan ng maipatupad ang CNA. 

Ang CNA ay katumbas ng Collective Bargaining Agreement ng pribadong sektor.
   
Nakapaloob dito ang mga dapat asahang benipisyo ng mga empleyado.
   
Alam natin na medyo maselan ang usapin.
   
Kaya hindi dapat nagbabangayan ang mga taong dapat nagtutulungan para sa ikabubuti ng lahat.
   
Kagaya ng gobyerno at makakaliwang grupo, mahalagang magkaroon ng pag-uusap.
   
Hindi naaayos ang problema sa pamamagitan ng patutsadahan. Huwag ninyong kalimutan na nakamasid sa inyo ang sambayanang Pilipino.
   
Hindi naman kayo mga politiko na kailangang magsiraan para lang magmukhang karapat-dapat na iboto.
   
Kayo’y mga lingkod-bayan na naatasang mangolekta ng buwis at taripa.
   
Kaya nga napakaganda ng naging hakbang nina Alcaraz at Estrella para masimulan ang pag-uusap ni Faeldon at BOCEA.
   
Sa laki ng karanasan ni Alcaraz sa pagpapatakbo ng BoC at sa lawak ng pang-unawa ni Estrella bilang dating tagapagsalita ng Marines, walang imposible.
   
Naniniwala tayo na kaunting hilot na lang nina Alcaraz at Estrella ay makukumbinsi din nila ang magkabilang panig na magkaayos na.
   
Tama ba kami, Commissioner Faeldon at kaibigang Rommie?

* * *   

Mukhang naaaliw na ang publiko sa nakikitang away ng mga grupong pro-administration at anti-administration.
   
Wala na bang katapusan itong teleseryeng ito na nagpapabagal sa socio-economic ng ating bansa?
   
Ang masakit dito, baka makalimutan natin ang mga problemang nagpapahirap sa taumbayan.
   
Nandiyan ang kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho, kataasan ng presyo ng bilihin at serbisyo at korapsiyon.
   
Habang kayo’y nagbabatuhan ng putik ay nand’yan pa rin ang pagsisikip ng trapiko, pagbabaha, terorismo, iligal na sugal at walang katapusang pamumulitika, lalo na sa mga barangay.
   
Mabuti na lang at hindi matutuloy ang Barangay at SK elections sa Oktubre.
   
Kung hindi ay baka lalo pang magulo ang bansa dahil magkakamag-anak, magkakapitbahay at magkakaibigan ay naggigirian dahil sa barangay election.
   
Ang isa pang mabigat, ang sinasabi ni Pangulong Rody ukol sa narco-politics.
   
Kaya ngayong hindi na matutuloy ang eleksyon ng Barangay at SK, ito na ang pagkakataon para ipakita ng mga barangay at SK officials ang kanilang sinseridad sa trabaho.
   
Linisin nila ang nasasakupang barangay at sila na mismo ang magsuplong sa mga otoridad kung may mga nagaganap na bentahan ng iligal na droga at may mga kriminal sa kani-kanilang nasasakupan.
   
Dito nila maipapakita na hindi sila sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

* * *  

Dapat palakasin ang ugnayan ng mga pulis at opisyal ng mga barangay.
   
Sa totoo lang, malaki ang maitutulong ng mga opisyal ng barangay sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
   
Kapag may problema, ang mga opisyal ng barangay ang unang pinupuntahan ng mga pulis.
   
Alam kasi ng mga pulis na kabisado ng mga opisyal ng barangay ang nangyayari sa lugar.
   
Ang tawag nga sa mga opisyal ng barangay ay “resident doctors.”
   
Hindi kagaya ng ibang lingkod-bayan, ang mga opisyal ng barangay ay walang “office hours.”
   
Sa totoo lang, 24 oras ang trabaho nila. Ang masakit lang, napakaliit lang ang ibinibigay na buwanang allowance sa mga opisyal na ito.
   
Sila ang mga tinatawag na “third class public servants.”
   
IT’S UNFAIR, ’ika nga.
   
May katwiran nga silang mag-alboroto.
   
Hindi ba, Pangulong Duterte at DILG  Secretary  Sueño?

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)